Paano, ang nurses sa pribadong ospital?

MALAKING bagay para sa government nurses ang pagtataas ng kanilang suweldo. Sila ang kauna-unahang nasa panganib ngayong panahon ng pandemya.

Kung hindi pa yata nagka-COVID-19 ay hindi maisasakatuparan ang halos 18-years na paghihintay ng mga pobreng nurses natin. 

Biruin n’yo, halos dalawang dekada, tatlong presidente ang nilipasan bago ipatupad ang batas na naglalayong itaas ang kanilang sweldo. 

Malamang dahil na rin sa konsensiya, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na gawin itong “effective immediately.”

Aba naman, sinong hindi makokonsensiya at tamaan na sana ng kulog at kidlat ang hindi tatablan…  mapanganib ang trabaho ng mga nurse natin ngayon. 

Expose sila sa mga hospital at pagamutan at lalong expose sa COVID-19. 

Uulitin ko, tatlong presidente ang nagdaan na sinimulan ni Erap, sinundan ni Gloria at ang kahuli-hulihan, si P-Noy. Dedma, alang nangyari.

Ngayon lang natauhan este naisakatuparan ang wage hike ng mga government nurses dahil sa mapanganib na COVID-19.

Iniisip ko tuloy, kung walang COVID-19 “nganga” pa rin hanggang sa ngayon ang mga nurses natin sa gobyerno.

Totoo nga ang kasabihan, “crisis is a backdoor to an opportunity” ---- para sa mga nurses natin ito sa gobyerno.

 

Pero, paano sa mga pribado? Naghihikahos pa rin ang mga nurses natin?

NagtitIyaga, ginagawang training ground ang malalaking hospital habang nagtitiis sa kakapiranggot na suweldo?

Umaasang matapos makumpleto ang dalawang taong professional experience sa mga pribadong ospital ay makakalabas ng bansa, sa abroad magtatrabaho na may mas malaking sahod.

Kaya lang sa panahon ngayon ng pandemya, mahaba-haba ang pananamantala ng mga private hospital.

Ako mismo nakausap ko ang isa sa mga nurses sa private hospital.

Dose mil (P12,000) ang kanyang buwanang sweldo.

Kapag mag-cancel day off ka, puwedeng umabot ng beinte mil ang sahod. Kada cancelled  day off, dalawang libo. 

Por diyos por santo, kaawa-awa naman! Kaya ang mga nasa pribadong sektor, makonsensiya naman kayo.

Lalo na ngayon, punumpuno ang mga ospital niyo. Kayo na nga mismo ang umaayaw sa mga pasyenteng nagpopositibo sa virus.

Show comments