Mga empleyado ng isang tanggapan sa India, naka-helmet habang nasa oras ng trabaho

KARANIWAN nang makikita ang mga manggagawang nasa konstruksiyon na naka-helmet para maprotektahan ang kanilang ulo sa anumang babagsak na bagay.

Pero sa isang tanggapan ng gobyerno sa Bihar, India, pawang naka-helmet ang mga empleado habang sila ay nagtatrabaho sa loob ng opisina.

At hindi lang mga empleyado ang pinagsusuot ng helmet kundi pati na rin ang mga bisita.

Ang dahilan: sira-sira na ang gusali na kinaroroonan ng tanggapan kaya marami sa mga bahagi nito ang bumabagsak gaya ng kisame at gapok na kahoy. Ilang empleyado na ang nasugatan sa ulo matapos mahulugan ng mga bahagi ng kisame.

Isang dahilan din ay tumutulo ang bubong kapag malakas ang ulan kaya malaking proteksiyon ang helmet.

Kanya-kanyang bili ng helmet ang mga empleyado.

Isa ang empleyadong si Himanshu Kumar na bumili ng sariling­ helmet para may proteksiyon sa sarili.

Ayon kay Kumar, malaki rin ang naitutulong ng helmet kapag umuulan. Sobrang lakas daw kasi ng tulo mula sa sira-sirang bubong.

Nagreklamo na sa mga opisyal ng tanggapan ang mga emple­yado ngunit hindi naman daw inaaksyunan ang kanilang reklamo.

Liblib na lugar ang kinaroroonan ng tanggapan kaya pakiramdam ng mga empleyado, walang pakialam ang mga kinauukulan sa kanilang reklamo.

Dagdag pa rito ang pagiging isa sa pinakamahirap na state ng Bihar kung saan marami sa mga imprastraktura ang bulok na.

Idinulog na nila sa kanilang kinatawan sa Parliament ang kalagayan at umaasa silang matutulungan nito.

 

Show comments