EDITORYAL - Ipagpatuloy ang paglaban sa virus

NAKAKATUWA ang reaksiyon ni Presidential Spokesman Harry Roque noong Martes (Hunyo 30) nang hindi mangyari ang forecast ng University of the Philippines (UP) na magiging 40,000 ang infected ng coronavirus sa Hunyo 30.

“Panalo na tayo. We beat the UP prediction. We beat it! So congratulations, Philippines. Let’s do it again in July,’’ sabi ni Roque na tuwang-tuwa at halata sa boses na nagwagi sa laban kontra virus.

Ikinabahala noon ang naging pahayag ng UP-Institute of Mathematics sa press briefing ng DOH noong Hunyo 11 na papalo sa 40,000 ang infected ng virus bago mag-Hunyo 30. Marami ang nangamba sapagkat pataas pa ang bilang ng mga nahahawa at wala na yatang pag-asang bumaba pa ito. Nakapanlulumo ang prediksiyon lalo pa’t ginagawa naman ang lahat nang pag-iingat.

Kaya nga nang hindi mangyari ang prediksiyon, hindi naitago ng Presidential Spokesman ang kasiya­han at sinabing nanalo na ang Pinas. Nang araw na iyon (Hunyo 30) pumalo sa 37,514 ang COVID cases. Hindi rin naman ito malayo sa forecast ng UP.

Kung mapapaunti pa ang bilang ng kaso sa mga susunod na araw, dito lubos na mapapalundag sa tuwa ang mamamayan na sabik na ring mamuhay nang normal. Gusto na rin nang marami na makabalik sa dating­ sigla ang buhay at ganundin naman siyempre ang lakas ng ekonomiya.

At makakamit lamang ang lalo pang pag-unti ng kaso kung paiigtingin pa ang paghihigpit lalo sa mga lugar na mataas pa ang kaso ng COVID. Huwag ha­yaan ang mga nagkukumpol-kumpol para maiwasan ang paghahawahan. Higpitan ang mga matataong lugar. Noong isang araw, dumagsa ang mga tao sa CCP complex para mamasyal. Nang bumuhos ang ulan, nagkumpulan sila sa shades at nawala na ang social distancing. Nagdikit-dikit na. Hindi pa dapat buksan sa publiko ang mga pasyalan o mga parke sapagkat dadagsain ito ng mga tao.

Huwag titigil ang mga awtoridad sa pagsaway sa mga walang face mask sapagkat napatunayan na ang face mask ang mabisang pananggalang sa droplets na may virus. Sa kasalukuyan, marami ang naka-face mask subalit hindi maayos ang pagkakasuot. May nakalitaw ang ilong at ang iba naman ay nasa dakong panga na. Mayroon din na nakasabit lang sa taynga ang face mask.

Narito pa ang kalaban at naghihintay pa ng mga mabibiktima. Huwag munang magkampante. Hindi pa dapat balewalain ang sinasabi ng mga awtoridad na mag-ingat para hindi mahawa ng virus. Manatili sa bahay. Kapag lubusang bumaba ang COVID cases, maaari nang magsaya ang lahat. Sa ngayon, tuloy ang pakikibaka sa di-nakikitang kalaban.

 

Show comments