Ang babae sa aparador (90)

HABANG hinuhuga-san ni Ziarah ang mga pinggan ay nag-iisip siya kung bakit tila malungkot at walang sigla si Jonas nang tanungin niya kanina ukol kay Kat. Parang umiiwas na tanungin ukol doon.

Baka may tampuhan ang dalawa. Baka mayroong hindi pinagkasunduan kaya hindi na natuloy ang pagsama rito sa bahay. Ang buong akala niya ay isasama ni Jonas kagabi si Kat kaya nga hinintay niya ang pag-text nito.

Baka nga may tampuhan.

Pero sabi naman ni Jonas ay wala raw si Kat. Baka naman nasa ibang bansa. Siguro nga. Baka wala rito si Kat.

“Ziarah!”

Nagulat si Ziarah sa tawag ni Jonas. Kalalabas lang nito sa banyo.

‘‘Ano po ‘yun Kuya?’’

‘‘Naplantsa mo ba ‘yung asul kong long sleeves. ‘Yun bang bago. ‘Yun ang gusto kong isuot ngayon kasi may meeting kami.’’

“Opo Kuya. Teka at kukunin ko sa aparador. Nasa pinakadulo po ng aparador.’’

Nagmamadaling umakyat si Ziarah sa itaas at nagtungo sa room ni Jonas. Binuksan ang aparador at kinuha ang long sleeves. Nasa pinakadulo ng aparador kaya hindi makita ni Jonas.

Eksaktong nakuha niya ay pumasok na si Jonas na nakabalabal lamang ng tuwalya.

“Eto Kuya,” sabi ni Ziarah at ibinaba ang damit sa kama. Lalabas na siya.

Pero nang nasa may pintuan na siya ay tinawag ni Jonas.

“Ziarah, salamat ha?’’

“Oo Kuya.’’

KINAGABIHAN, dakong alas sais, nagtaka si Ziarah sapagkat maagang dumating si Jonas.

Bakit kaya. At parang ma­lungkot si Jonas. (Itutuloy)

Show comments