Balik-pera, may tubo pa!
DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje (Pang-masa) - June 4, 2020 - 12:00am

HABANG marami na ang nagugutom dahil sa lockdown na isinagawa ng gobyerno, ang magkakosa na Amboy at Gardo­ ay abala sa pagtatalo kung paano hahatiin ang P400,000 na nakulimbat nila. Janitor si Amboy sa fake agency na kunwari ay nagpapadala ng OFW sa Middle East, Italy at Canada. Nakita­ niya ang maraming pera na ipinapasok sa kaha mula sa mga inosenteng aplikante. Isang gabi, kasama si Gardo, pinasok nila ang opisina. Sa tulong ng special talent ni Gardo na kayang buksan ang lahat ng nakasara, napagtagumpayan nilang simutin ang pera sa kaha.

Nagtago muna ang dalawa sa abandonadong kubo na minsang tinirahan ni Amboy. Naging tagabantay siya sa isang poultry farm at iyon ang kanyang naging tirahan. Nalugi ang poultry farm kaya wala nang katao-tao roon. Ang gusto ni Amboy ay P100,000 lang ang ibigay kay Gardo dahil naging tagatuklap lang ito ng lock ng kaha samantalang sa kanya galing ang tip kung saan magnanakaw ng pera. Sa tagal ng pagtatago, walang kamalay-malay ang dalawa na nagkakagulo na ang mga tao dahil sa COVID-19.

Nagsimulang magtalo ang dalawa. Bigla ang pangyayari. Hinablot ni Amboy ang perang nasa supot na tela. Nagtatakbo ito at inihagis paitaas ang supot na tela sa isang punongkahoy. Lumanding ito sa sanga. Ang akala ni Gardo, itatakbo ni Amboy ang pera kaya binaril niya ito sa ulo. Patay sa isang bala lamang si Amboy.

Bata pa lang ay magkakilala na ang dalawa. Kaya alam ni Amboy na may acrophobia or fear of heights si Gardo. Naisip ni Amboy na ihagis ang pera sa itaas ng puno para hindi ito makuha ni Gardo. Tapos hahamunin niya ito na kung sino ang makakuha ng pera sa puno ang magmamay-ari ng P400,000. Kaso napatay na siya, mas lalong nasolo na ng kaibigan niyang putik na si Gardo ang pera.

Pinagmasdan ni Gardo ang puno. Ito ay mataas ngunit payat ang trunk at branches, delikadong mabali ang sanga kung sakaling lakas-loob niya itong akyatin. Palibhasa ay planado ang ginawa nilang pagnanakaw, kumpleto sila ng gamit, ang isa rito ay lubid. Ito ang ginamit upang masolusyunan ang problema.

May isang sanga na nakayungyong paibaba at abot kamay niya. Kapag tatalian niya iyon at unti-unting hihilahin paibaba, may tsansang bumaba ang sangang kinalalagyan ng supot ng pera. Kaso nang hinihila na niya, humulagpos sa pagkakatali ang lubid, kaya ang sangang tinalian ay pumaltik sa ere kasama ang supot na kinalalagyan ng pera. Kung saan ito bumagsak, walang nakakaalam.

Samantala may isang pamilya na naninirahan sa isang barangay na nasa ilalim ng hard lockdown. Ang pamilyang ito ay isang beses na lang kumakain sa isang araw. Wala silang kapera-pera. Ang padre de familia kasi ay naloko ng agency. Pinaasa siya na mabibigyan ng trabaho sa Italy. Malaki ang hininging application fee, P100,000. Sa sobrang desperado tumingala siya sa langit at buong taimtim na nanalangin. Diyos ko po, tulungan mo akong mabawi ang perang kinuha ng agency sa akin!

Maya-maya ay may nakita siyang tila damit na lumutang mula sa ere at biglang bumagsak sa loob ng kanyang bakuran. Luminga-linga siya. Walang katao-tao sa paligid. Nilapitan niya ang supot na tela. Binuksan. Nanindig ang kanyang balahibo. Tumambad sa kanya ang pagkarami-raming pera!

 

BALIK-PERA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with