EDITORYAL - Tulungan ang stranded OFWs

HINDI lamang seafarers na narito na sa bansa ang nakararanas ng kapighatian na dulot ng COVID-19. Nagdaranas din nang sobra-sobrang hirap ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na kasalukuyang stranded sa iba’t ibang bansa. Pinakamarami ngayon ang stranded sa United Arab Emirates (UAE), Oman, Saudi Arabia, Kuwait at Qatar. Kung ang seafarers na narito na sa bansa na naghihintay na lamang ng COVID test results ay tinatamaan ng depression, mas lalo ang mga stranded OFWs sa Middle East.

Mas matindi ang kanilang pinagdaraanan sapagkat karamihan sa kanila ay halos wala nang panggastos sapagkat naubos na sa loob ng dalawang buwan na pagka-stranded sa bansang pinagtatrabahuhan.

Karamihan sa kanila ay mga end of contract na at nakatakda nang umuwi noong Marso pero inabot ng lockdown. Itinigil ang pagbiyahe ng mga eroplano kaya wala silang magawa kundi maghintay ng flight.

Ang mga stranded na OFWs sa UAE ay dumaranas na ng kawalang-pag-asa. Sa isang report, isang lala-king OFW ang nagsabing pinutulan na siya ng ilaw sa tinutuluyang villa. Napakahirap umano ng sitwasyon niya. Naubos na umano ang kanyang ipong pera.

Matindi rin ang pinagdaraanan ng isang OFW na limang buwang buntis.

Wala na siyang trabaho kaya wala nang kinikita. Kailangan na niyang umuwi sapagkat mahirap abutan nang panganganak sa UAE.

Ang ibang stranded na OFW, pinaaalis na sa kanilang tinitirahan sapagkat overstay na sila. Kaila-ngan nilang magbayad ng multa kapag overstay pero saan sila kukuha. Wala na rin silang makain at maski ang tubig ay sa mosque na umano nila iniigib. Hindi na raw nila alam ang gagawin. Hiling nila na tulungan sila ng gobyerno na makauwi na. Magkaroon na raw sana ng flight patungong Manila.

May mga stranded OFWs din sa Saudi Arabia at Oman na humihiling na tulungan silang makauwi sapagkat ubos na ang kanilang pera. Napakahirap daw ng kanilang kalagayan sa kasalukuyan.

Ang pagkilos ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) ang inaasahan ng mga OFWs. Walang ibang tutulong sa kanila. Sana, maayudahan naman sila sa lalong madaling panahon.

 

Show comments