White lie
DIKLAP - Ms. Anne (Pang-masa) - March 27, 2020 - 12:00am

NASA third year college siya nang mangyari ang aksidente isang umaga. Ang huling natatandaan niya ay may tumama sa kanyang mata, tapos wala na siyang maalaala. Nasa ospital na siya nang magising. Isang mata lang ang naimumulat niya. May benda ang isa niyang mata. Kabado man ay lakas loob siyang nagtanong:

“Anong nangyari sa akin? Bakit isang mata lang ang naimumulat ko?”

Sa dahan-dahan at maingat na pananalita ng doctor, sinabi nito na natamaan ng bala ang kanang mata nito. Inoperahan ito at ginawa ang lahat para maisalba ang kanyang paningin. Ngu­nit sa kasamaang-palad, may ugat sa loob ng mata na tinamaan kaya naging 50-50 ang tsansa na maibalik ang kanyang paningin.

Pagkaraan ng ilang araw, tinanggal ang benda sa kanang mata. Tinakpan muna ang kaliwang mata na walang naging diperensiya para i-test kung nakakakita na ang kanang mata. Unti-unting pinamulat ng doctor ang kanang mata. Matagal na siyang nakamulat pero wala siyang nakikita.

Isang mahinang I’m sorry ang narinig niya mula sa doctor. Ibig sabihin, wala nang pag-asang makakita ang kanyang kanang mata. Halos mapuno ng kanyang sigaw at panaghoy ang buong pasilyo ng ospital. Ang kanyang amang sundalo ay naglilinis ng baril nang umagang iyon nang aksidente itong pumutok at tumama sa kanyang kanang mata.

Pagkaraang magpagaling sa ospital ay nawalan na siya ng ganang pumasok sa school. Paano siyang gaganahang mag-aral gamit ang isang mata. Binuo niya ang isang plano—iinom siya nang maraming sleeping pills para hindi na magising kailanman. Ngunit nabago ang lahat nang marinig niya minsan na nag-iiyak ang kanyang ama sa harap ng kanyang ina. Sinisisi nito ang sarili sa pagkawasak ng kinabukasan ng kanyang anak. Para itong baliw na naghihisterikal habang sinisisi ang sarili.

Lumapit siya sa ama at buong pagmamahal na niyakap ito. Sabi niya, “Daddy, I’m okey now. It was an accident. Wala kang kasalanan. In fact, next sem, mag-eenrol na ulit ako.”  Sa pinakasulok ng kanyang puso, alam niyang nagsisinungaling siya. Gusto lang niyang pakalmahin ang kalooban ng ama. Daddy’s girl kasi siya at ayaw niyang malungkot ito.

Nagkunwari siyang masaya. Nagkunwari siyang gusto na ulit niyang mag-aral. Nabuhay siya sa pagkukunwari. Hanggang isang araw ay nakalimutan niya ang balak na pagpapakamatay. Sinanay niya ang sarili na gumalaw at magbasa gamit ang isang mata. Hanggang sa naniwala na rin siya sa kanyang kasinungalingan—na she’s okey…na masaya na siya…na itutuloy pa rin ang pangarap anupaman ang kalagayan niya. Ang pagkukunwart ay naging katotohanan. Isang araw, totoong natanggap niya ang lahat. Nakatapos siya ng pag-aaral. Nakapagtrabaho at biniyayaan ng mapagmahal na asawa. Ito ang boyfriend niya noong dalawa pa ang kanyang paningin pero patuloy siyang minahal kahit nabulag ang isa.

WHITE LIE
Philstar
  • Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with