EDITORYAL – Malaking kaltas sa presyo ng mga gamot

MARAMING mahihirap na maysakit ang hindi makabili ng gamot dahil sa sobrang mahal ng mga ito. Masakit isipin na may mga pumapanaw na hindi nakatikim ng gamot dahil sa mataas na presyo. Dahil sa kakulangan ng perang pambili ng gamot, idinadaan na lamang sa tapal-tapal ng mga albularyo ang kanilang sakit. Mayroon namang gumagaling pero mas marami ang hindi, sapagkat ang kailangan talaga ng katawan ay gamot. Hindi ubra ang laway-laway o tapal-tapal lang.

Noong Lunes, nilagdaan na ni President Duterte ang Executive Order 104 na nagre-regulate sa presyo ng mga gamot. Sa pagkakalagda sa EO 104, hindi na maitataas ang presyo ng mga gamot para sa hypertension, diabetes, sakit sa puso, baga, atay, cancer, chronic renal disease, psoriasis at rheumatoid arthritis.

Ikinatuwa ng Department of Health (DOH) ang ginawa ng Presidente na paglagda sa EO 104 sapagkat simula na ito sa pagbaba ng gamot ng hanggang 56 percent. Noong nakaraang taon pa sinusulong ng DOH ang pagpapababa sa mga gamot. Ayon sa DOH, umaabot sa 120 mga gamot na kanilang irerekomenda para mabawasan ng presyo.

Ang pagpapababa ng mga gamot ay nasa ilalim ng maximum drug retail scheme na nakapaloob sa Republic Act 9502 o ang Universal Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008.

Napakagandang hakbang ang ginawa ng Presidente sa pagkakalagda ng EO 104 sapagkat makakatikim na ng gamot ang mga maysakit na mahihirap. Maaari nang malunasan ang kanilang karamdaman. Puwede na silang makabili ng gamot na abot ng kanilang bulsa.

Ayon sa report, ang Pilipinas ang tanging bansa sa Asia na masyadong mahal ang mga gamot. Mas mahal pa raw ang gamot dito kaysa sa mga mayayamang bansa.

Sa namimintong pagbaba ng presyo ng mga gamot, nararapat bantayan ng DOH ang mga pharmaceutical company o ang mga botika at baka hindi sila sumunod sa itinakda ng batas. Nararapat sumunod ang mga kompanya ng gamot sa ilalabas na presyo. Kailangang masunod ang batas.

Show comments