Ipagbunyi ang atletang Pilipino; Ibasura ang mapanirang pulitiko

SA tuwing may atletang Pilipinong magsasabing ang kanyang panalo ay para sa bayan, at sa tuwing aawitin ang “Lupang Hinirang” at iwawagayway ang watawat ng Pilipinas sa ginaganap rito sa atin na 30th Southeast Asian Games (SEAG), tumatayo ang aking balahibo at ako’y naiiyak. Kailangan natin ang mga ganitong pangyayari upang mabuhay ang ating nasyonalismo at makadama tayo ng pagmamalaki bilang mga Pilipino. Dito pa lamang ay masasabing sulit na ang pagdaraos dito sa atin ng SEAG kahit na nga gumastos tayo ng bilyun-bilyong piso. Isang tatak ng bawat marangal na bansa ay ang kahandaang gumastos para sa pambansang dangal.

Apat na araw pa ang nalalabi bago matapos ang SEAG, ngunit ang Pilipinas ay patuloy sa pamamayagpag sa dami ng mga ipinanalong laro. Ito na ang pinakamaganda nating “performance” SEAG. Ang tagumpay ng bawat atletang Pilipino ay tagumpay ng buong bansa. Kapag may mga “sports competition” na tulad ng SEAG, lumalabas sa mga atletang Pilipino ang pinakamabuti nating katangian bilang isang lahi: determinado, matiyaga, di-basta sumusuko, makabayan. Sila ang ating mga makabagong bayani. Karapat-dapat lamang na sila’y ipagbunyi.

Kabaliktaran ang nangyayari sa tuwing mayroon tayong “political exercise” na katulad ng eleksyon. Kapag may eleksyon, lumalabas ang masasama nating katangian: marahas, mapanlamang, makasarili, mapaghiganti. Kung puwede nga lang ay wala ng eleksyon at puro “sports competition” na lamang. Gayunman, madalas, maging ang sports na “non-political” ay napapasukan ng maruming pulitika. Nang dumating ang mga unang atleta mula sa ibang bansa, katakut-takot ang mga lumabas na isyu na tulad ng diumano’y pagkaligaw ng ilang atleta, kawalan ng matutuluyan, pagpapakain ng kikiam sa mga atleta, pambabastos sa watawat ng Pilipinas. Kinalaunan, lumabas na karamihan sa mga ito’y “fake news,” ngunit pinalabas na parang totoo.

Narirrito ang dapat naging maging slogan sa panahong ito, “Ipagbunyi ang Atletang Pilipino, Ibasura ang Mapanirang Pulitiko.”

Ako’y naniniwala na sa anumang administrasyon, kailangan ang malakas na oposisyon. Ngunit sana, kapag may malaking gawain dito sa atin na katulad ng SEAG, magdahan-dahan ang lahat sa pagbatikos upang mapangalagaan ang imahin ng bansa. Ang kahihiyan ng Pilipinas ay kahihiyan nating lahat. Ang hinahanap ko sa ating mga lider, maka-administrasyon man o maka-oposisyon, ay ang pagiging makabayan. Ang mga taong nagpakalat ng mga “fake news” na naglagay sa kahihiyan sa Pilipinas sa mata ng ibang bansa ay masahol pa sa maruruming pulitiko, mga Pilipinong walang sariling dangal.

Wika sa Mangangaral 3:1, “Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras.” At sa talatang 6, “Ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” Habang ginaganap ang SEAG, ito’y panahon na manahimik muna ang mga kritiko alang-alang sa bansa at sa mga atletang Pilipino na nakikipagtagisan ng husay sa mga atleta mula sa Vietnam, Malaysia, Indonesia, Thailand, Singapore, Cambodia, Brunei, Myanmar, Laos at Timor-Leste.”

Pagkatapos ng SEAG, kung totoong may kapabayaan o katiwalian, iyon ang panahon ng pagsasalita, ng pagbubulgar ng katotohanan, ng pag-uusig sa sinumang may pananagutan. Isa sa mabuting katangian ng mahusay na lider ay nalalaman niya kung kailan siya mananahimik at kung kailan siya magsasalita. Maraming mga lider natin ay wala sa tiyempo, sapagkat kung kailan dapat manahimik, doon nagsasalita, at kung kailan dapat magsalita, doon nananahimik.

Show comments