Sugar Mommy (209)

ANG sunod na sinabi ni Manong Sixto ang hindi inaasahan ni Jericho.

“Siyempre hindi ka ma-li-limutan ni Jane. Nang huli kaming magkausap, nabanggit ka niya.’’

“Paanong nabanggit Manong?’’

“Sinabi niya na mayroon siyang kaibigan sa Saudi pero sa ngayon daw ay wala na silang komunikasyon.’’

“Binanggit niya ang name ko?’’

“Oo.’’

“Sinabi mo po na magkakilala na tayo? Na nanggaling na ako rito at hina-hanap siya noon?’’

“Hindi. Nilihim ko ‘yun. Pati nga si Perla ay sinabihan ko na huwag magkukuwento ukol sa’yo. Basta wala akong sinasabi sa kanya ukol sa’yo. Kasi, ayaw din naman niyang ipagsabi kahit kanino ang kinalalagyan niyang lugar sa Pinamalayan. Mahigpit din ang bilin niya sa amin na huwag itong sasabihin kahit kanino.’’

“Bakit kaya ayaw niyang ipaalam ang lugar na kinaroroonan niya, Manong.’’

“Hindi ko alam, Jericho. Pero nitong mamatay ang dating asawa niya, para bang naging open na si Jane. Binabanggit na ang kagandahan ng Pinamalayan at hindi raw siya nagsisisi na manirahan doon. Napamahal na raw ang lugar sa kanya. Hindi na raw siya aalis doon.’’

Napatango na lang si Jericho sa mga sinabi ni Manong.

‘‘Pero isang beses ka lang niyang nabanggit, Jericho.’’

‘‘Baka nabanggit lang niya ako dahil biglang naisip ang Saudi. May ganoong pagkakataon.’’

“Pero nakita ko sa eks­pres­yon ng mukha niya na para bang masaya niyang binanggit ang pangalan mo.’’

Napangiti na lang si Jericho.

Napansin ni Manong na naaaliw sila sa pagkukuwentuhan at lumalamig ang kapeng barako sa tasa.

‘‘Higupin mo na ‘yang kape mo at lalamig. Hindi masarap ang kape kapag malamig. Kumain ka muna nitong niyubak na balinghoy para masarap, Match na match yan!’’

Kumain si Jericho ng niyubak. At saka uminom ng kapeng barako. Masarap nga!

“Kumain ka nang kumain. Mayroon pang suman.’’

“Salamat Manong.’’

Dahil sa mga sinabi ni Manong Sixto ukol kay Jane, nagsimula na siyang mag-isip.

Hindi naman masama kung makipagkomunikasyon siya kay Jane. Sabi nga ni Maia sa kanya, huwag ikulong ang sarili. Mag-asawa raw uli siya! (Itutuloy)

Show comments