Sugar Mommy (203)

SA halip na bulaklak para sa puntod, pumpon ng mapupulang roses ang binili ni Jericho sa gate ng memorial park. Sariwang-sariwa ang mga roses na nasa magandang lalagyan --- espesyal para sa kanyang minamahal na si Maia.

Inilapag niya sa puntod ang mga roses at saka tahimik na kinausap ang asawa:

Kumusta ka mahal ko? Eksakto sa araw ng pagkamatay mo ang aking uwi. Talagang ginawa ko ito para ka makapiling. Gusto kong sa first anniversary ng iyong pagkamatay ay narito ako.

Alam mo, habang nasa Saudi ako, dinalaw ko ang lahat na mayroon kang kaugnayan – ang ospital na pinagtrabahuhan mo, ang villa na tinirhan mo at pati na rin ang paborito mong malutong na ubas ay binili ko.

Maniniwala ka ba na habang nakatingin ako sa bintana ng inyong villa ay nakita kita. Ilang beses kong kinusot ang aking mata. Talagang ikaw ang nakita ko.

Pero bigla ka ring nag­laho. Siguro, mayroon ka lang gustong ipaalala sa akin kaya ka nagpakita.

Sa pag-iisa ko sa Saudi, naalala ko ang sinabi mo na mag-asawa ako. Pero alam mo, hindi ko magagawa. Wala kang makakapalit sa puso ko. Walang makapagpapatibok ng puso ko. Ikaw lang ang tanging mamahalin ko hanggang sa wakas. Ikaw lang, Maia.

(Itutuloy)

Show comments