Mapagsamantalang taxi drivers, aktibo na naman!

Eto na,   papalapit na nang papalapit ang holiday seasons, dapat ngayon pa lamang eh matutukan na ng mga kinauukulan ang mga mapagsamantalang mga taxi driver na bumibiktima sa ating mga kababayan.

Panahon na naman kasi na ‘in demand’ ang mga ito lalo na sa paligid ng mga mall kung saan dadagsa na ang mga shoppers.

Ang siste, kapag ganitong panahon umiiral ang kakapalan ng mukha ng ilan na sinasamantala ang mga commuters.

Nandyan na naman ang namimili ng pasahero, nandyan din ang nangongontrata ng pasahero, at nandyan din ang direktang nagsasabing dagdagan na lang ang ibabayad bukod pa sa singil sa metro.

Mukhang napapabayaan na naman ang mga ito, kaya patuloy sa pananamantala.

Kung magmamasid lamang o magmomonitor ang mga tauhan ng LTO, LTFRB at kapulisan sa paligid ng mga malls ay nagkalat ang mga mapagsamantalang taxi drivers.

Nasaan na ang ‘Oplan Isnabero’ ng LTFRB na ipinapatupad laban sa mga pasaway na taxi drivers na may kaakibat na parusa?

Sa unang paglabag ay nasa  P5,000 ang multa, sa ikalawa ay multang P10,000 at pagka-impound ng unit sa loob ng isang buwan at sa ikatlong paglabag ay multang P15,000 at kanselasyon ng prangkisa.

Sana ay mabigyang proteksyon ang ating mga kababayan sa mga pasaway at mapagsa­mantalang taxi drivers.

Show comments