Nagpapalimos, binugbog daw ng MMDA!

AKTIBO ang bawat siyudad sa Metro Manila ngayon sa pagpapatupad ng iba’t-ibang batas at ordinansa. Lahat ay nakikiisa sa hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagandahin at ayusin ang bawat lungsod.

Maganda ang adhikain subalit handa nga ba ang bawat isa para rito? Maraming apektado at ang pinakamalaking hamon, patuloy na lumalabag pa rin ang ilan. Ang mga otoridad, tama bang naipatutupad ang mga protocol? May ayuda ba sa mga lubos na apektado?

Isang lalaking nagpapalimos ang galit na lumapit sa aming tanggapan noong nakaraang linggo. Inirereklamo ni Tatay ang marahas na panghuhuli sa kanya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Nahuli siyang nagpapalimos sa overpass sa Quezon Avenue, Quezon City. Sa pananaw niya, walang masama sa pagpapalimos. Mas mabuti na raw ito kaysa magnakaw siya.

Dagdag pa ni Tatay, nakaranas din siya ng dahas sa MMDA. Kinaladkad at binugbog umano siya ng anim na ‘di pa kilalang MMDA officers. Kinagat na lamang niya ang isa sa mga ito kaya siya nakatakas.

Hindi rin ito ang unang beses nangyari sa kanya. Minsan na rin pala siyang nahuli noon ng MMDA at kinuha lang daw ang kinita niya mula sa pagpapalimos.

Kung tutuusin, bawal talaga ang magpalimos at magbigay ng limos ayon sa Presidential Decree No. 1563 (Anti-Mendicancy Law). May katapat na parusa hindi lang sa mendicant, ngunit pati na rin sa mga nagbibigay ng limos.

May mali sa proseso ng pagdampot kay Tatay dahil ginamitan ito ng pananakit at dahas. Kung tutuusin nga ay rescue operation dapat ang tawag sa kanilang programa. Bakit kailangan pang umabot sa pambubugbog?

Nakakaawa si Tatay dahil may depekto ang kanyang mga mata kaya hindi makahanap ng pagkakakitaan.

Paglilinaw ni MMDA Traffic Chief Col. Bong Nebrija, hindi niya kinukunsinti ang mga kolokoy na tauhan nito tulad ng pananakit kaninuman.

Kinumpira niya ring labag sa kanilang protocol ang hindi pagsusuot ng ID ng kanilang mga trabahador, na inireklamo rin ng complainant, dahilan kung bakit hindi niya nakilala ang mga nanghuli sa kanya.

Pangako ni Nebrija, tutulungan niya si Tatay na magsampa ng reklamo upang mabigyang hustisya ang nangyari sa kanya. Kami naman ay nangakong sasamahan din siya dahil kita kay Tatay ang takot sa nangyari.

Hindi ko kinakampihan ang nagrereklamo, hindi ko rin siya kinukondena. Ang punto ko, hindi lang ito krusada ng mga otoridad sa lansangan.

Dapat handa rin ang bawat namumuno ng mga programa para sa mga apektadong constituents ng kanilang siyudad. Sa mga may kapangyarihan, bawal din ang abuso, sumunod sa tamang protocol at regulasyon ng batas!

Show comments