Mag-ingat sa Dugo-Dugo!

LIBU-LIBO na ang nabibiktima sa modus ng Dugo-Dugo. Kunwari may naaaksidente o ‘di kaya ay may namatay na kinakailangan ng agarang pagpapadala ng pera. Dahil sa awa, madadala ka. Pero ‘yun pala, naloko ka na.

Kahit sino puwedeng mabiktima. Sa katunayan, pati ang isa naming staff sa BITAG, nabiktima.

August 4, 2019 nang mag-chat ang tito ni “Nicky” na aming Social Media Specialist upang pasikreto siyang magpadala ng P8,500 sa kamag-anak umano nilang namatay. Pending daw kasi ito sa ospital kaya kailangan ng pera.

Ang instruction sa kanya, ipadala ang pera sa nagngangalang “Rommel Jumawid.” Kapareho ng apelyido ng kanyang tito. Kaya naman ng hapon ding iyon, ipinadala niya agad ang P8,500.

Kinabukasan, humirit pang muli ang nagpapanggap niyang tito. Magpadala pa raw ng P7,000. Dito na siya nagduda kaya naman agad siyang nag-message sa asawa ng tito niya. Kukumpirmahin niya kung talaga nga bang tito nga ang kanyang kausap.

Kumpirmado! Na-hack nga ang Facebook account ng tito niya at hindi na nila ito mabuksan. Agad siyang nakipag-ugnayan sa remittance center at napag-alaman nilang isang Andresa Mangyao ang tumanggap ng pera sa kanila.

Nagkamali ang dorobo, BITAG staff ang biniktima niya. Kaya nang araw ding iyon ay agad tumulak ang BITAG Strike Force sa Rosario, Batangas. Sa pakikipagtulungan ng remittance center, ikinasa ang isang entrapment operation.

Pagdating sa target area, nag-abiso ang remittance center na hindi na raw kukunin ng suspek ang perang kini-claim. Nakatunog ang bruha na may naghihintay na patibong sa kanya.

Dahil dito, nagdesisyon ang aming team na tuntunin ang bahay ng suspek kasama ng Rosario Municipal Police.

Sa presinto, todo tanggi si Andresa sa mga paratang laban sa kanya. Mayroon lang daw “Pau” na nag-uutos sa kanyang kunin ang pera mula sa remittance center.

Nang tanungin kung sino ang “Pau” na nag-utos sa kanya, hindi naman daw niya ito kilala. Hindi na rin niya ma-contact dahil iniwan na siya sa ere. Halatang kuwentong komiks lang!

Ang matindi, mahigit tatlong buwan na raw nila itong ginagawa! Napaka-kapal talaga ng mukha!

Kahit ano pa mang paliguy-ligoy ng dorobo na ‘to, the bottomline is, she is the one receiving

the money. Sangkot pa rin siya sa lokohan kaya naman hindi namin pinalipas ang araw na hindi siya naghihimas ng rehas.

Sinampahan ng kasong estafa ang suspek na si Andresa Mangyao. Malas niya at sa lahat pa nang bibiktimahin, BITAG pa ang napili niya. Iba pag nagtrabaho ang BITAG.

Sakaling kayo’y nakaaamoy na binibiktima ng ganitong modus, huwag mag-atubiling tumakbo sa Pambansang Sumbungan, Aksyon Ora Mismo at kami na ang bahala!

Show comments