Ang gulo na naman!
MATANONG lang sa mga kinauululan, este kinauukulan pala. Ano ba talaga ang solusyon ng pamahalaan para wakasan na ang deka-dekadang kaguluhan mula sa mga rebeldeng komunista?
Ano kaya?
Pinagmamalaki mismo ni Boss Digong na dahil sa magandang usapan sa mga rebeldeng Muslim, nagbalik-loob na ang marami sa kanila at nakapagbuo pa nga ng panibagong pamahalaang automic este mali awtonomiya pala sa Mindanao.
Dahil nakita rin ni Boss Digong na hindi lang dapat mga utak pulbura ang makialam sa usapang pangkapayaan.
Bakit?
Sagot - alam naman nating lahat na hindi matatapos ang kaguluhan kung patayan lang ang pag-uusapan. Kailangan tuhugin mismo ang ugat ng mga problema.
Sabi nga, ang kahirapan!
Totoo naman, dahil hanggang ngayon, namumugad ang mga rebelde- Muslim man o komunista sa mga komunidad na isang kayod-isang-tuka ang mga pamilya.
Kaya ‘yung proseso ng kapayapaan ay isa lamang paraan para mahikayat ang maraming rebelde na makipag-usap habang inaayos ang kanilang mga hinaing.
“Lalong magkaka-hetot, hetot kung ‘yan ang solusyon dahil lalo lang lumalaki ang puwang ng mahihirap sa mayayaman.” sabi ng mga kuwagong atribidad.
Ano ka ba ? Baka gusto mo rin baguhin ang sistemang laging bukang bibig ng mga komunista. ‘Eto ngang pederalismo na lang nagkakandagulo na mismo ang mga henyo ng pamahalaan.”
Mahigit 50 years na ang “rebolusyong” ito ng mga komunista, hindi pa rin sila magapi-gapi ng gobyerno. Lagi na lang sinasabi ng mga militar at pulis, malapit na. Siyempre, lahat ng ganitong balita ay lumalabas tuwing pinag-uusapan na ang budget nila. Nakapagretiro na ang marami sa mga henyong heneral na ito, nandiyan pa rin sina Ka Joma Sison at nananginip pa rin ng tagumpay ng kanilang inilunsad na rebolusyon.
Pabago-bago na leche plan este letseng plano, ng ating Hukbong Sandatahan pero wala rin nangyayari.
Ngayon nga, Oplan Kapayapaan at Kapanatagan pa naman ang tinawag sa isang malawakang programa ng gobierno laban sa rebeldeng komunista.
Ito nga, pinagmamalaki pa nitong si Ka Reymundo Buenfuerza, tagapagsalita diumano ng Romulo Jallores Command sa Bicol na mula noong ilungsad itong oplan na ito, “umabot na sa isang batalyon ng kaaway ang napinsala ng mga taktikal na opensiba ng BHB o Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon.” Lalo yatang gumulo na sa Bicol at marahil sa maraming lugar na nakapugad na ang mga rebeldeng komunista.
Gumawa pa ng mga Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict para daw matuloy na ang usapang kapayapaan, pero din na sa liderato nina Ka Joma at sa mga alipores na lang nito sa mga probinisya.
Ang problema nito, sino naman kaya ang magmamagandang loob sa mga rebeldeng komunista na suwagin ang kanilang mga lider sa makipagusap sa isyu ng kapayapaan ? Tiyak dadami na naman ang bilang mga mga “surrenderees” na kahit tayo mismo ay nagdududa na kung totoong mga reblede o mga siga lang sa kanto at mga tropang militar para lang masabing nakahikayat ang ating mga sundalo at kapulisan ng mga nagbabalik-loob sa gobierno.
Baka hindi lang milyon, kundi bilyon na ang ginagastos na pamahalaan sa ganitong mga palabas.
Dahil marami na raw sa mga kabataan ang nagiging “full-time” sa kilusan, nakaisip na naman ang ilang henyo na organisahin ang mga magulang para sabihing ang mga anak nila ay sumapi na sa NPA. Aba, ang lumalabas ‘yung iba dito ay mga NPA lang pala ng Cubao, at nagpakita sa mga senate hearing ni Sen. Bato Dela Rosa. Nakakatawa mayroon palang mga “NPA by night” lang sa mga ilang mga lumantad na nagsasabing sila ay mga dating rebeldeng komunista.
Isang solusyong nakikita ay tapusin na ang “Soto-Enrile Accord” na pinagbabawalan ang mga militar na pumasok sa mga paaralan. Lalo lang tuloy nagwala ang mga estudyante dahil nakikita na raw nila ang “pasismo” na umiiral sa pamahalaan.
Ayan, nagsimula na ang mga walkout sa UP at PUP, at hindi lang mga aktibista ang sumama pati na ang mga sosyal na estudyante. Kung hindi maawat ‘yan baka sumiklab na naman ang mga protesta sa ating mga eskuelahan.
Ganyang-ganyan noon ang sitwasyong bago ang kaguluhang nabansagang “First Quarterstorm” noong 1970. Aba, malay natin baka ‘yang ginawang gimik sa mga estudyante ngayon ang magiging mitsa para sa kanilang paggunita sa ika-50 anibersayo nito sa isang taon. ‘Di lalong nagkandaletse na tayo.
Ano nga ba talaga ang mali sa ating programang “pangkapayapaan” ng ating pamahalaan ? Nakatandaan ko na ‘yang problemang yan, ganyan pa rin hanggang ngayon.
Kung baga sa “right-minus-wrong” ‘di lang bokya kundi negatibo na ang resulta. Buwisit !
- Latest