Sugar Mommy (89)

“HALIKA na Jericho,” yaya ni Nadine. “Nagugutom na ako.’’

Tumayo si Nadine.

Saka pa lamang tumayo si Jericho. Naaalangan siya. Hindi siya sanay sa ganoong sitwasyon. Bihira siyang dumalo sa kainan. First time niya ito at dito pa sa Saudi.

Tinungo nila ang mahabang mesa na kinaroroonan nang maraming pagkain --- pansit, kalderetang baka, fried chicken, inihaw na tilapia, nilagang baka, bagong saing na kanin, fried rice, at maraming kakanin --- puto, kutsinta, palitaw, maja blanca, bibingka at mayroong ding sago at banana con yelo.

“Ang daming handa! Para na rin tayong nasa Pinas,” sabi ni Nadine.

“Oo nga.”

“Mabubusog na naman ako,” sabi ni Nadine at nagsimula nang maglagay ng pagkain sa pinggan.

Kumuha na rin si Jericho. Nasa unahan niya si Nadine. Nasulyapan ni Jericho si Leo na kausap ang may birthday. May mga dumarating pang bisita. Karaniwan ay mag-asawa. Ang mga babaing bisita ay naka-abaya (itim na damit). Napansin ni Jericho na inaalis nila ang abaya kapag nasa loob na villa.

Nang makakuha ng pagkain ang dalawa, sa isang mesa na nasa sulok sila pumuwesto.

Nagsimula silang kumain.

“Masarap ang kaldereta ah. Maanghang!’’ sabi ni Nadine.

Tinikman din ni Jericho ang kaldereta niya.

“Oo nga!’’

“Paborito ko ang kaldereta,’’ sabi pa ni Nadine.

Nagpatuloy sa pagkain si Jericho pero inoobserbahan niya si Nadine.

“Magkuwento ka naman, Jericho.’’

Nagulat si Jericho.

“Ano ba ang ikukuwento ko?’’

“Tungkol sa sarili mo.’’

Nag-isip si Jericho. Ano ba ang ikukuwento niya?

Parang mahirap magkuwento.

“Bakit ka nag-abroad Jericho?” tanong ni Nadine.

“Ako na lang ang inaasahan sa amin. Maysakit kasi father ko.’’

“Anong sakit?’’

“Sa puso.’’

“Pareho rin pala tayo ng kalagayan.’’

“Bakit?’’

“Kaya rin ako narito para sa maysakit kong magulang.’’

(Itutuloy)

Show comments