Wala raw ‘hit-and-run’, pero natakot kaya lumisan!
RESPONDE - Gus Abelgas (Pang-masa) - June 17, 2019 - 12:00am

Lalong nag-iinit ang damdamin ng marami nating  mga kababayan sa mga pahayag ngayon ng China tungkol sa insidente ng ‘hit-and-run’ na naganap sa pagitan ng kanilang barko at fishing vessel ng mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea (WPS), kamakailan.

Wala raw  naganap na ‘ hit-and-run’ sa nasabing karagatan.

Pero sa una nilang naging pahayag, kaya lamang umano umalis ang mga mangingisdang Instik matapos ang banggaan ay dahil sa natakot ang mga ito na kuyugin sila ng iba pang bangka ng mga mangingisdang Pinoy na nagresponde sa lugar.

Sinungaling ang naging tugon  dito ni Junel Insigne, kapitan sa lumubog na Pinoy fishing vessel.

Aba’y kahit naman sino eh talagang mag-iinit ang ulo sa magkasalungat na pahayag na ito.

Wala raw ‘hit-and-run’, pero umalis ang kanilang barko dahil natakot na makuyog.

Ano ba talaga mga kuya?  Kung umalis, eh di  tumakbo.

Eto pa, kung sinasabi nila na maraming mga bangka ng mangingisdang Pinoy sa lugar, eh di sana ay agad na nasagip ang mga crew ng lumubog na bangka at hindi nagpalutang-lutang ang mga ito sa karagatan bago masagip ng mga napadaan na Vietnamese boat.

Nakaangkla o nakahimpil ang mga bangka ng mga Pinoy kaya hindi rin maikakatwiran na aksidente ang naging pangyayari.

Marahil sa laki ng kanilang barkong pangisda at siguradong  kumpleto sa mga modernong kagamitan malayo pa lamang kitang-kita na nila ang bangka ng mga Pinoy, kung nakahimpil ito sa kanilang daraanan pwedeng-pwede silang umiwas. Ang problema mukhang tinumbok.

Nauna nang sinabi ni Insigne na sinadya silang banggain ng nasabing barkong pangisda ng China, na matapos mabangga eh totoong bumalik pa ang mga ito nang nakikitang lumulubog na ang kanilang bangka , inilawan pa raw sila at marahil nang makitang mga Pinoy, ayun tuluyan nang lumayo.

Mukhang dapat talagang gumawa ng kaukulang hakbang ang mga kinauukulan patungkol sa insidenteng ito. Dapat may mapanagot.

Mas matinding paninidigan ng pamahalaan ang inaasahan ng marami nating mga kababayan.

Kung itinuturing nating kaibigan ang China, dapat ganun din sila sa atin.

Sa ganitong mga pangyayari doon nakikita kung sino ang tunay na kaibigan.

Ang kaibigan dinadamayan, hindi pinababayaan.

HIT-AND-RUN
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with