EDITORYAL - Dagsa ang illegal foreign workers

AYON sa Bureau of Immigration, umabot na sa 12,000 ang mga illegal foreign workers sa bansa. Karamihan sa mga illegal na dayuhan ay nagtatrabaho umano sa mga offshore gaming companies gaya ng casino at meron din sa mga restaurant. Pero ang matindi, hindi nagbabayad ng tax ang mga ito. Maliwanag na niloloko ng mga kompanyang ito ang pamahalaan at masahol pa dahil mga dayuhan ang kanilang mga empleyado.

Nakapagtataka naman na umabot sa 12,000 ang illegal workers at hindi agad umaksiyon ang Immigration ukol dito. Dapat kastiguhin ng Department of Finance ang Immigration sa nangyayaring ito. Kapag pinalampas pa ito, tiyak na darami pa ang illegal na dayuhan at sila na lamang ang makikinabang sa mga trabaho na dapat ay para sa mga Pilipino.

Kailangan din namang pakilusin ng DOF ang Phi-lippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) upang inspeksiyunin ang mga gaming companies na nag-eemploy ng mga dayuhan. Tinatayang 148 offshore gaming establishments ang nag-ooperate at lahat ng mga ito ay nag-eempleyo ng dayuhan. Hindi naman binanggit kung anong nationalities ang mga empleyado ng establishments pero sa isang report, sinabing karamihan sa mga ito ay Chinese.

Kamakailan, nag-viral sa FB ang isang restaurant sa Parañaque na ang siniserbisyuhan lamang ay mga Chinese. Pawang mga Chinese ang mga crew ng restaurant. Sa entrance ay may nakapaskel na Chinese characters na ang ibig sabihin ay exclusive lamang sa mga Chinese. Hindi na nabatid kung may permit ang establishment para mag-operate o kung legal naman ang pagtatrabaho ng mga Chinese. Maski sa Boracay ay may mga establishment din na ang mga trabahador ay Chinese. Namo-monitor kaya ng Deparment of Labor and Employment ang pagdami ng mga establishments na ang workers ay dayuhan.

Lambatin ang illegal foreign workers at ideport sila. Isara ang mga gaming establishments sapagkat niloloko nila ang pamahalaan sa hindi pagbabayad ng buwis.

Show comments