Sanggol

NOONG ako ay nagdadalantao sa aking bunso, may kakilala ako rito sa aming lugar na nagsabing, “Oy, buntis din ako, una ka lang ng dalawang buwan” ang tila natutuwa nitong sabi sa akin.

Sa pagdaan ng mga araw, napansin kong hindi lumalaki ang kanyang tiyan, habang ang tiyan ko naman ay tila isang “dough” na binudburan ng yeast dahil umaalsa nang umaalsa kada buwan.

Hindi ako nakatiis na magtanong nang minsang batiin niya ang pagbubuntis ko. Sabi niya sa akin: “Hula ko, babae ang magiging anak mo, bilog na bilog kasi ang tiyan mo at hindi nangingitim ang iyong leeg”.

Ngumiti lang ako at pagkatapos ay nagsalita: “Maliit kang magbuntis, ano? Kasinglaki na ng pakwan itong aking tiyan pero ang sa iyo ay hindi pa halata”.

Umiling ang aking kausap at sa pabulong na boses ay sinabi nitong “nakunan” daw siya. Tumango-tango lang ako at binalikan ko ng aking alaala ang mga eksenang nasaksihan ko noon pero hindi ko pinansin.

Noong ibalita ng aking kakilala na buntis din siya, ilang umaga kong nasisilip na nag-i-skipping rope siya sa loob ng kanilang bakuran.

Hindi siya makapagkakaila dahil dinig na dinig ko ang lagapak ng kanyang mga paa tuwing babagsak ito sa lupa. Minsan, talagang nasilip ko na lumulundag siya gamit ang skipping rope.

Nagtatanong ako sa aking sarili, ‘yun na ba ang modern exercise para sa mga buntis? Kakilala ko lang naman ang babae at hindi friend kaya nahihiya akong uriratin kung bakit siya nakunan at kung bakit siya nag-i-skipping rope sa panahon ng kanyang pagbubuntis.

Bago ang pangyayaring iyon, nakakaluwag ang pamilya ng babaeng kakilala ko. Sa pagdaan ng mga araw, pagkaraang siya ay makunan, ang kalusugan ng babae ay humina. Sinundan ito ng stroke ng kanyang mister kaya hindi na nakapagtrabaho kailanman. Iyon ang umpisa ng kanilang paghihikahos sa buhay. Pagkalipas ng ilang taon ay tuluyan nang binawian ng buhay  ang aking kakilala.

Ngayon, naghiwalay na ng landas ang kanyang mag-aama upang magkanya-kanya na sila ng buhay. Hindi ko maiwasang itanong sa aking sarili: Sinadya kaya ang paglaglag sa sanggol? Resulta kaya ng karma ang kamalasang nangyari sa kanilang buhay?       

Show comments