‘Boarder’

MAY isa akong kaibigan na naninirahan sa abroad. Ang kaibigan ko ay biyuda at may dalawang anak: isang lalaki at isang babae na roon na rin naninirahan sa bansang kinaroroonan niya. Ang kaibigan ko ay sa anak na babae nakikitira. Minsan ay may dumating na sulat sa aking kaibigan na ipinaaalam sa kanya na itinaas ng ilang porsiyento ang kanyang pensiyon. Ipinabasa niya sa anak na babae ang sulat dahil kailangan pa niyang hanapin ang eyeglasses na ilang araw nang nawawala. Nagkataong naroon ang anak niyang lalaki kaya nalaman nito ang tungkol sa pensiyon, kaya’t ito ay nag-comment:

“Mataas na pala ang pensiyon mo, Mommy. Dapat ay mag-bayad na kayo ng renta kay Ate at mag-ambag sa groceries.”

Nagkatinginan lang ang aking kaibigan at anak na babae. Hindi lang makapag salita ang aking kaibigan dahil baka magmukha siyang bitter sa mata ng kanyang anak na babae. Gusto niyang sumagot: “Two years ko nang ginagawa iyan, nagrerenta at nakahiwalay na sa pagkain.”

Kumirot ang aking puso nang ikuwento ng aking kaibigan na ni-require siya ng kanyang anak na babae na magbayad na ng renta sa bahay. Humiwalay siya ng pagkain dahil ang buong mag-anak ng kanyang anak ay nagda-diet. Ang mga kinakain ng mga ito ay hindi angkop sa kanyang medical condition kaya humiwalay na siya ng pagkain. Tipikal siyang boarder sa bahay ng kanyang anak. Napaawa naman ako sa aking kaibigan. Naturingang may anak na kasama sa bahay pero sa katotohanan ay nag-iisa lang siya. Hindi ito alam ng kanyang anak na lalaki.

Ang kanyang anak na lalaki ay nangungutang sa ate nito. Ang sagot nito sa kapatid: “Kay Mommy ka mangutang, may paggagamitan ako ng aking pera.”

Hindi alam ng kanyang anak na babae na minsan nang pinautang nito ang anak na lalaki ng malaking halaga. Ang tagal bago binayaran. Kung hindi pa niya kinulit ito sa kasisingil. Ayaw na niyang pautangin ang anak dahil plano na niyang umuwi sa Pilipinas. Ang savings niya ang ilalaan sa kanyang pagtanda. Baka siya ilagak sa nursing home, kung hihintayin pa niyang manghina siya. Ayaw niyang paalaga sa ibang tao, baka lang lalong umikli ang kanyang buhay.

Sa Pilipinas, titira siya sa kanilang ancestral house  kasama ang dalawang kapatid na matatandang dalaga. Walang nakaaalam sa kanyang mga kapatid na nasa Pilipinas kung ano ang inuugali ng kanyang mga anak sa kanya.

Show comments