Utol (177)

“HINDI maganda ang kuwento ng lovelife ko, Xander, Anna,’’ sabi ni Gerald na nakangiti. “Hindi katulad ng inyong love story na kapana-panabik.’’

“Sige na Utol, ako nga sinabi ko sa iyo lahat ang tungkol sa amin ni Anna.’’

‘‘Hindi kasi maganda, Xander kaya ayaw ko na sanang pag-usapan pa pero dahil gusto mong malaman ang nakaraan kong pag-ibig e di sige. Mabuti na nga rin sigurong mai-share ko ang mga masasakit na pangyayari sa buhay pag-ibig. Baka meron din kayong maipayo sa akin kung bakit nabigo ako sa pag-ibig. Pero inaamin ko, nasaktan ako sa aking unang pag-ibig. Siguro, talagang hindi kami para sa isa’t isa. Baka nga inililigtas ako sa mga masasakit pang mararanasan kaya nangyari ang lahat.’’

Tahimik na tahimik na nakatingin sina Xander at Anna kay Gerald. Ngayon lang nakita ni Xander na nagseryoso sa pagsasalita si Gerald. Siguro nga ay talagang masakit ang nangyari sa kanila ng dating siyota.

Nasabik tuloy ang dalawa na mapakinggan ang kuwento ng pag-ibig ni Gerald. Baka nga mas mahaba pa at punumpuno ng mga kapana-panabik na pangyayari.

“Huli kaming nagkita ni Teth noong nakaburol si Papa. Hindi ko na inaasahang dadalaw siya dahil nangyari na nga ang paghihiwalay namin. Pero siguroý masyado siyang nabaitan kay Papa kaya su­milip siya sa burol. Makaraan iyon, wala na kaming komunikasyon. Wala na akong alam at wala na akong interes pa…’’

Tumigil si Gerald sa pagsasalita at saka huminga nang malalim.

“Nagkakilala kami ni Teth nung college days. Iisa ang building ng aming college at madalas ka­ming nagkakasabay sa pag-akyat sa hagdan. Inaamin ko noong una na talagang naakit agad ako sa kanya. Yun yata ang tinatawag na love at first sight. Unang kita ko pa lang ay tumibok na agad ang puso ko.

“Hanggang sa isang umaga na magkasabay kami sa hagdan ay hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa at nakipagkilala sa kanya. Mabait naman siya at tinanggap ang pagpapakilala ko. Kasunod ay ang ang pagyayaya ko sa kanyang magmeryenda. Hanggang sa pinupuntahan ko na siya sa classroom niya. Inaaba­ngan ang paglabas niya.

“Talagang love na love ko siya at pakiramdam ko, siya na ang babaing gusto kong makasama habambuhay…nag-iimadyin na ako na siya ang pakakasalan ko at magkakaroon kami ng pamilya. Kahit sa pagtulog, siya at wala nang iba pa ang nasa isip ko.’’

(Itutuloy)

 

Show comments