_pang-masa
^

Tayo’y bansang nawawala sa sarili

USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - February 23, 2019 - 12:00am

NOON pa mang 2013 ay idineklara na ng Supreme Court na labag sa Constitution ang pork barrel na tinawag noon na Priority Development Assistance Fund (PDAF). Dahil sa malawakang PDAF scam, mahigit sa P10 bilyon ang nawala sa kaban ng bayan na dapat sana’y nagamit sa serbisyo publiko.

 

Akala natin ay tapos na ang maliligayang araw ng pork barrel. Ngunit ang General Appropriations Act na kamakailan lamang ay pinagtibay ng Congress ay naglalaman ng pork barrel na tatlong beses na mas malaki kaysa PDAF. Diumano, bawat congressman ay may pinakamababang pork barrel allocation na P160 milyon, samantalang halos P1 bilyon naman sa bawat senador. Nagtataka ka pa ba kung bakit napakara-ming tumatakbo sa Congress at gumagastos ng milyun-milyon para lang manalo?

Ang mga miyembro ng Congress na binubuo ng Senate at House of Representatives ay tagagawa ng batas.  Pero dahil sa pork barrel, ang inaasahan sa kanila ng karaniwang botante ay hindi na kung gaano karaming batas ang nagawa, kundi kung gaano karaming kalsada at tulay ang naipagawa. Dahil dito, kahit na ang mga walang kaalaam-alam sa paggawa ng batas ay naiingganyong tumakbo sa Congress, at ang malungkot, marami sa kanila ang nananalo.

Talagang nakakalito ang mga nangyayari rito sa atin. Idiniklara nang labag sa batas ay naipagpapatuloy pa, sa iba lamang katawagan at porma. Only in the Philippines, wika nga.

Heto pa ang isa—base sa natuklasan ng Ombudsman, tatlong senador ang tumanggap ng kickbacks mula sa kanilang pork barrel: Sen. Bong Revilla, P224 milyon; Sen. Jinggoy Estrada, P183 milyon; at Sen. Juan Ponce Enrile, P172 milyon. Napawalang-sala si Sen. Revilla, pero inutusan siyang ibalik sa kabang-yaman ang P124 milyon. Kung walang pagkakasala ay bakit may ipinababalik na halaga? Hindi ba nakakalito?

Sina Sen. Revilla, Sen. Enrile at Sen. Estrada (ang dalawa’y nagpiyansa sa kanilang pansama­ntalang paglaya) na nasangkot sa pork barrel scam ay pawang tumatakbo ngayon sa Senado.  Sa pinahuling survey, dalawa sa kanila’y may malaking chance na muling maihalal. Hindi ba nakakalito? Ano ba ang basehan ng mga tao sa pagpili ng mga iboboto nila?

Minsan, narinig ko ang isang titser na pinagagalitan ang kanyang estudyante. “Ano ba ang problema mo?” tanong ng titser. Siguro, magandang itanong natin, “Ano ba ang problema natin?” May napakalaki tayong problema sa pagdetermina kung ano ang tama at mali, kung ano ang dapat at di-dapat, kung ano ang makatarungan at hindi. Tayo’y isang lahing nawawala sa sarili.

Sa palagay ko’y ito ngayon ang pangunahing misyon ng ating mga lider sa gobyerno, negosyo, at iglesya—ang ibalik tayo sa ating sarili bilang isang lahi upang tayo’y makabalik sa isa’t isa bilang isang bansa. Sa pagbabalik na ito’y mahalagang baguhin natin ang ating pananaw at pinahahalagahan.

Dapat tanawin natin ang Pilipinas na isang barkong sinasakyan nating lahat bilang mga Pilipino, kapag lumubog ito, lahat tayo’y mapapahamak. Dapat ay higit nating pahalagahan ang ating mga responsibilidad, sa halip na ang ating mga karapatan, bilang mga mamamayan. Kung laging iginigiit natin nang buong tapang ang ating mga karapatan, kailangan din nating igiit nang buong pagmamalaki ang ating mga responsibilidad. 

Sa halip na ang laging sinasabi ay “ako,” matuto tayong sabihing “tayo.” Mula sa pagbabalik sa sarili, bumalik tayo sa iba hindi bilang “bossing” kundi bilang tagapaglingkod. Isang dakilang panuntunan ang sinabi ni Hesus sa Marcos 10:44, “Sinumang nais maging una ay kailangang maging alipin ng lahat.”

PDAF
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with