I-rehab ang Manila Bay; I-rehab ang ating isip

MAYROON pang isang nangangailangan ng rehab bukod sa mga drug addicts, ito’y ang ating mga ilog, dagat, at iba pang tourist destinations.  Isa rito’y ang Manila Bay na itinuturing na isa sa pinakamagandang natural harbor o pier sa buong mundo.  Mayroon itong sukat na 770 square miles o 2,000 square kilometers na bumabagtas hanggang sa Southwestern Luzon. Sinasabing ang Baseco sa Manila Bay ay kasingganda ng Boracay kung ito lamang ay pinangalagaan.

Bukod sa natural na ganda ng Manila Bay, ito’y isang makasaysayang lugar.  Dito naganap ang pagsiklab ng digmaan ng Amerika at Espanya, kung saan sa tinaguriang “Battle of Manila Bay” noong May 1, 1898 ay pinasuko ng Amerika ang Espanya sa pangunguna ni Commodore George Dewey.  Gayunman, ayon sa mga makabayang historiador, ito’y isa lamang “mock” o palabas na giyera sa pagitan ng Amerika at Espanya, dahil hindi magagawang sumuko ng  Espanya sa mga rebolusyonaryong Pilipino na noon ay nalalapit na ang panalo. Sa Manila Bay din naganap noong 1574 ang labanan ng mga Kastila at piratang Chinese na si Lim-ah-hong kasama ng tatlong libo niyang tauhan. Mabuti’t tinalo ng mga Kastila si Lim-ah-hong, kung hindi, noon pa man ay nasakop na tayo ng China.

Maganda at makasaysayan ang Manila Bay, ngunit pinabayaan natin. Ito ang isang malaki nating problema, wala tayong malasakit sa ating mga likas na yaman. Ang tabi ng Manila Bay ay pinagtayuan ng mahigit sa 200,000 squatters na walang patumangga sa pagtatapon ng dumi rito.  Gayundin ang ginagawang pagdudumi ng ilang mga establisimentong itinayo malapit sa Manila Bay. Noong isang araw, naging viral sa social media ang isang turistang Norwegian na namumulot sa kalsada ng mga basurang itinatapon ng mga Pinoy. Magkahalong hiya at inis ang aking nadama. Hiya sa mga turistang tila higit pa ang pagmamalasakit kaysa atin. Inis sa mga Pilipinong walang pagmamalasakit sa sariling atin.

Kaya napapanahon ang planong rehab ng Manila Bay sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources. Ang isang malaking hamon ay kung saan ililipat ang mahigit sa 200,000 informal settlers na naninirahan sa tabi ng Manila Bay. Ayon sa plano, pUwede nang maligo sa Manila Bay pagdating ng Disyembre. Sana’y totoo.  Sana’y may sapat na “political will” ang gobyerno na totohanang linisin ang Manila Bay. Sana’y hindi ito “ningas-kugon.”

Kung maibabalik ang Manila Bay sa dati niyang ganda, ito’y magiging isang tourist attraction. Higit pa rito, ang karaniwang mamamayan sa Metro Manila ay mayroon nang pupuntahang lugar na kasingganda ng Boracay.

 Ang mahigpit na pangangalaga sa ilog, dagat o mga tourist destinations ay dapat ipatupad ng gobyerno. Dapat lumikha ng mga batas na magpapataw ng mahigpit na parusa sa mga sumisira sa kalikasan. Kailangang maging determinado ang gobyerno sa pangangalaga sa kalikasan, katulad ng pagiging determinado nito sa paglaban sa ilegal na droga.

Gayunman, bawat Pilipino ay may responsibilidad sa tagumpay ng hakbanging ito. Hindi lamang ang ating mga “personal properties” ang dapat nating pinagmamalasakitan. Dapat nating ituring na sa atin ang mga kalsada, ilog, dagat at iba pang likas yaman n gating bansa.  Ang kasalanan natin sa kalikasan ay kasalanan natin sa Diyos.  Kung malaking kasalanan ang pagpatay ng tao, malaking kasalanan din ang pagpatay ng kalikasan. Ang pagre-rehab sa Manila Bay ay mangangailangan muna ng pagre-rehab sa takbo ng ating isip. Ang Manila Bay ay sa atin, kung paanong ang ating mga sariling bahay ay sa atin.

   

         

 

Show comments