Utol (69)

MATAGAL na nag-obserba sa paligid ng sementeryo si Gerald. Baka narito ang lalaking kahina-hinala ang kilos. Ang magnanakaw ay bumabalik sa lugar na kanyang target.

Pero limang minuto na si Gerald sa pagkakatayo sa kubling bahagi ng sementeryo ay wala siyang napansing tao. Tahimik na tahimik ang paligid.

Naisip ni Gerald, maaa­ring natakot na ang lalaki kaya hindi na ito bumalik.

Ilang saglit pa siyang nagmasid. Wala talaga.

Ipinasya niyang magtungo na sa kanilang musoleo.

Binuksan ang bakal na gate. Pagkatapos ay ang main entrance ng musoleo.

Ininspeksiyon niya ang mga gamit sa loob. Wala namang nawala roon.

Pinagmasdan niya ang nitso ng mga magulang. Naisip niya, siguro’y maayos naman ang kinalalagyan ng kanyang mga magulang sa kabilang buhay. Magkasama sila roon at hindi na kailanman magkakahiwalay.

Hanggang sa huminga nang malalim si Gerald. Naalala kasi niya ang “lihim” ng kanyang papa at ng maid na si Catalina. Nalaman kaya ng kanyang mama ang “lihim”? Bago kaya ito namatay ay nalaman ang pagkakaroon ng relasyon ng asawa sa maid?

Iyon ang nananatiling katanungan sa kanya.

Pero naisip niya, maaaring hindi na nalaman ng kanyang mama ang relasyon sapagkat agad namang pinaalis ng kanyang papa si Catalina. Natatakot din ang kanyang papa na malaman ang “lihim”. Masisira kasi ang pagtingin ng kanyang mama. Kagalang-galang pa naman ang kanyang papa. Nakakahiya kung mabubunyag na pumatol ito sa isang maid.

Muli siyang nag-ukol ng dalangin sa mga magulang. At muli rin niyang sinabi sa kanyang papa na gagawin ang lahat para makita ang anak nito sa maid na si Catalina.

Makalipas ang isang oras, umalis na si Gerald.

Ikinandadong mabuti ang musoleo. Pati ang gate ay sinigurong sarado.

(Itutuloy)

Show comments