Utol (64)

ISANG araw, nilapitan ni Nanay Luisa si Gerald at may itinanong ukol kay Catalina, ina ni Xander. Tila sabik si Nanay Luisa na may malaman ukol kay Catalina. Dahil siguro, matagal din silang nagkasama sa bahay bilang mga katulong noon ng papa at mama ni Gerald. Isa pa, dahil nga siya ang unang pinagtapatan ni Catalina sa mga nangyari sa kanila ni Sir Jaime, papa ni Gerald.

“Gerald, huwag ka namang magagalit ha, may itatanong lang ako ukol kay Catalina.’’

“Opo Nanay Luisa. Ano po yun?’’

“Nang mamatay si Catalina, sino na ang nakatira sa kanilang bahay sa Liliw?’’
“Ayon po sa napagtanu-ngan ko, binenta na po ni Catalina ang bahay at lupa nila at nangupahan na lang silang mag-ina.’’

“Kawawa naman! Bakit daw ipinagbili?’’

“Hindi na po nasabi kung bakit. Pero may hinala na kaya binenta ay para mayroong gastusin sa kanyang anak.’’

“Sa anak na si Xander?’’

“Siguro po.’’

“A ganun pala.’’

Tumango si Gerald.

“Nakapag-aral daw ba ang anak na si Xander?’’

“Nakapag-aral daw po.’’

“Siguro’y iginapang ni Catalina.’’

Napatango uli si Gerald.

“Isa na lang ang itatanong ko Gerald.’’

“Ano po yun?’’

“Ano ang hitsura ni Xander.’’

“A e kamukha ko raw po.’’

Napangiti si Nanay Luisa. (Itutuloy)

Show comments