Iwasang mauwi sa tetano ang sugat
DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D (Pang-masa) - November 11, 2018 - 12:00am

ANUMANG sugat sa katawan, gaano man ito kababaw, ay dapat lang na gamutin Kung hindi agad gagamutin ang sugat, puwede itong maimpeksyon dahil mas maraming mikrobyo ang mananahan dito. Kapag nagnana pa ang sugat, bukod sa panganib sa kalusugan, mas nagiging matagal ang paghilom ng sugat. Nag-iiwan pa ito ng mga di kanais-nais na peklat sakaling gumaling ito.

Kung sakali namang bumuka ang balat dahil sa malalim na hiwa o pumutok ang balat dahil sa aksidente, maiging tahiin agad ang sugat upang mapagdikit ang naghiwalay na balat. May ginagamit namang local anesthesia upang wala tayong maramdaman kapag tinatahi ang sugat. Kung hindi tatahiin agad, mag-iiwan ito ng malalaking pilat sa balat. Huwag nang maghintay pa ng ilang araw bago magpasyang ipatahi sa ospital ang bumukang sugat.

Ano ang dapat gawin kapag nasugatan?

Matapos masugatan, hugasan agad ito at sabunin. Iyon ay para mabawasan  ang mikrobyong papasok sa katawan sa pamamagitan ng sugat. Mababawasan ang panganib ng impeksyon kung gagamutin ito ng mga antiseptic. Tatlong antiseptic ang madalas ginagamit sa klinika: alcohol (mas maigi ang may concentration na 70%), agua oxinada (hydrogen peroxide) at Povidone Iodine.

Puwede ring pahiran ng topical antibiotic ointment ang sugat matapos itong malinis ng mga naturang antiseptic upang mapabilis ang paggaling. Maipapayo ring takpan ng gasa ang sugat upang mapanatili itong malinis. May pagkakataong kailangang samahan ng pag-inom ng antibiotiko upang mapabilis ang paghilom ng sugat.

Lahat nang sugat ay puwedeng ipasuri sa doktor. Pero mas lalong nangangailangan ng medical attention kapag ang sugat ay malalim, mahaba, at malapad. Ganoon din ang mga sugat na matinding nagdurugo, hindi agad gumagaling, o nagpapakita na ng senyales ng impeksyon gaya ng pamamaga, pagnanana, at may kaakibat na lagnat. Huwag balewain ang anumang sugat sa katawan.      

Mahalaga ang injection ng bakunang tetanus upang maiwasang mauwi sa tetano ang sugat. Lalong importante ito kung malalim o marumi ang naging sugat gaya kung napako o kung nakatapak ng matutulis/matatalas na bagay. Kung inaakala nang marami na hindi nakamamatay ang sugat, nagkakamali tayo. Marami na ang namatay sa tetano. Ang bakunang DPT Diphtheria-Pertussis-Tetanus na ibinibigay sa mga sanggol ay proteksyon laban sa tetano. Kailangan din ng booster shot ng tetano habang nagkakaedad tayo. 

SUGAT
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with