Salamat sa nangangating mga palad, babae sa U.S. panalo ng $2-M

ISANG babae sa Michigan, USA, ang nakapag-uwi ng $2 million (katumbas ng P106.4 million) matapos siyang naengganyong tumaya sa Mega Million lottery dahil sa kanyang nangangating mga palad.

Alam niya ang paniniwalang magkakapera ang mga taong nangangati ang palad kaya raw nang magsimulang mangati ang kanyang palad noong isang buwan ay lagi na raw siyang tumataya sa Mega Million lottery, kuwento ni Jacquette Prater sa mga Michigan lottery officials.

Nalaman niyang nanalo siya nang tawagan siya ng kanyang best friend sa telepono nito lamang Miyerkules ng umaga para sabihing may tumama na sa lotto at ang nanalong ticket daw ay binili sa Sunoco station — na siya mismong outlet kung saan binili ni Prater ang kanyang ticket.

Agad-agad namang bumangon mula sa kama si Prater at sumugod sa pinakamalapit na tindahan upang ipa-check ang kanyang ticket.

Sa puntong iyon niya napatunayang may katotohanan nga ang paniniwala ukol sa pangangati ng palad matapos niyang makumpirma na nanalo siya ng dalawang milyong dolyar.

Plano raw i-invest ni Prater ang kan­yang napanalunan at pinag-iisipan din niya ang pagtatayo ng isang maliit na restaurant.

Nang tanungin kung nangangati pa rin ang kanyang mga palad ay hindi na raw makati ang mga ito sagot ni Prater.

Ngayon daw ay pinagpapawisan na lang daw ang kanyang mga palad lalo na tuwing iniisip niya ang mga maari niyang gawin sa kanyang napanalunang pera.

Show comments