‘Lupang Hinirang’, tantanan!
Ayan na nga, umani ng mga batikos sa netizen at sa publiko ang panukala ni Senate President Vicente Sotto III na palitan ang mga huling linya ng Pambansang Awit.
Grabe ang reaksyon ng netizen at ng publiko nang marinig ang panukala sa naganap na balitaktakan sa plenaryo ng senado sa panukalang batas na naglalayong dagdagan ang sinag ng araw sa bandila.
Iminungkahi niya na pag-aralan na rin umano na maami-yendahan ang Republic Act 8491 o ang ‘Flag and Heraldic Code of the Philippines’.
Sa paliwanag ni Sotto, matapos umano niyang makipag-usap sa mga composers, napuna na masyadong “defeatist” ang ipinakikitang ugali sa dalawang huling linya ng Pambansang Awit, partikular ang mga katagang ‘aming ligaya na pag may mang-aapi, ang mamatay ng dahil sa yo’.
Sa paliwanag ng senador mistulang sumuko na kaagad ang mga Pinoy kaya dapat itong palitan. May suhestyon din ito na dapat ipalit katulad ng ‘aming ligaya na pag may mang-aapi, ang ipaglaban kalayaan mo’ at hindi raw agad-agad eh patay.
Ayon sa mga netizen dapat igalang ang orihinal na may akda ng Pambansang Awit.
Wala na raw hihigit pa sa pag-aalay o pagtataya ng buhay lalo na sa Inang Bayan.
Kung dapat na panatilihin ang orihinal na tempo nito, dapat ding panatilihin at walang dapat baguhin sa orihinal na lyrics o nilalaman nito.
Pinuna tuloy ang senador na wala na raw ba itong ibang maisip, gayung marami ang dapat ayusin sa batas o mga batas na mas lalong magiging kapakipakinabang sa bayan.
Mukhang iba raw ang ginagawang interpretasyon ng senador sa huling linya, na sa paniwala ng nakakaraming netizen hindi ito nangunguhulugan nang agad-agad na pagsuko kundi katapangan ibuwis man ang buhay para sa bayan.
- Latest

















