Matandang Tinali (193)

“AKINA ang tali, Kuya Naldo!’’ sabi ni Dolfo habang nakaamba ang pamalo sa nahihilong si Dragon. Grogi na ito dahil sa mga palo ni Dolfo.

Kinuha ni Manong Naldo ang tali. Lubid na abaka na mas matibay pa sa nylon o kahit na anong klase ng panggapos. Mahaba ang lubid na abaka.

“Talian mo ang mga paa at ako ang magtatali sa kamay ng demonyong ito!’’

“Matibay ba ang lubid na ito, Kuya? Baka makawala itong huli natin.’’

“Matibay yan. Ginagamit nga yang panghila ng barko. Kahit tagain, hindi yan malalagot.’’

Mabilis na tinalian ni Dolfo ang mga paa ni Dragon samantalang si Manong Naldo sa mga kamay.

Habang tinatalian ay nagkamalay si Dragon at nagpipiglas. Iwinagwag ang paa at kamay pero hindi kayang kumawala. Matibay nga ang lubid na abaka.

“Putang ina mo Dolfo pakawalan mo akooo! Kapag nakawala ako rito, papatayin kita pati yang kasama mong matanda! Pakawalan mo akoooo!’’

“Hindi ka na makakawala, Dragon. Swak ka na sa bilangguan. Paparating na ang PDEA at maaaring bukas ay tiklo na rin ang amo mong si Joemari. Magkakasama kayong mabubulok sa bilangguan.’’

Nagpipiglas si Dragon. Halos yumanig ang kubo dahil sa pagpiglas. Nagpagulung-gulong sa sahig.

‘‘Pakawalan n’yo ako! Pakawalan n’yo akooo!’’

“Huwag kang maingay Dragon, kahit ano pang piglas mo, hindi ka namin pakakawalan. Dapat kang mabulok sa bilangguan kasama ni Joemari,” sabi ni Dolfo.

“Putang-ina ka Dolfo. Sana pinatay na kita noon pa. Kung alam ko lang na maghuhudas ka, sana tinuluyan na kita nun.’’

“Bobo ka kasi. Malaki kang lalaki pero bobo.’’

“Humanda ka pagnakawala ako rito. Dudurugin kita !’’

“Huwag ka nang magbanta dahil hindi ka na makakatakas.’’

“Pakawalan mo akooooo!’’

“Tumigil ka!’’

“Ibitin kaya natin nang patiwarik, Dolfo?’’

“Sige Kuya. O gusto mo tuluyan ko na ito para wala na tayong problema.’’

“Huwag ibitin na lang natin.’’

“Sige!”

Lalong nagsisigaw si Dragon.

(Itutuloy)

Show comments