Habagat na mala-Ondoy!

Ilang araw nang binabayo ng matinding pag-uulan dulot ng habagat ang Metro Manila at karatig na lalawigan o mala-king bahagi ng Luzon.

Matinding pagbaha ang naranasan sa maraming lugar na hanggang sa ngayon nga marami pa tayong mga kababayan ang nananatiling nasa evacuation center dahil hindi pa ligtas sa mataas na tubig ang kanilang mga lugar.

Lalu pa nga’t hanggang ngayon ay makakaranas pa ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon  kaya patuloy na nakaalerto ang mga kinauukulan.

Mala-Ondoy na habagat ang naranasan noong nakalipas na Sabado na talaga namang nagpalubog sa  Metro Manila at karatig lalawigan.

Walong taon nang manalasa ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa halos buong Metro Manila at iba pang lalawigan, ulan ang nagparalisa sa takbo ng buhay noon sa ilang oras lamag na pag-ulan.

Sa nagdaang biglaang pagbaha noon na dala ni Ondoy, maraming natutunan, maraming mga kakulangan ang nakita at sinabing naiwasto na, maraming mga factor ang nasilip dahil sa nararanasang palagian na lang na pagbaha na mukhang ito ang hindi nabibigyan ng matinding pag-aksyon ng pamahalaan.

Malinaw naman na naging mabilis ang mga rescue operation sa mga tawag na tulong ng ating mga kababayan sa kasagsagan ng matinding pag-ulan at pagbaha noong Sabado.

Agad din namang nailikas ang dapat na ilikas, nadala sa mga evacuation center at doon hanggang ngayon ay kinakalinga.

Bagamat marami ang mabilis na tumugon sa force evacuation ang ating mga kababayan, siyempre hindi pa rin nawala ang ilang pasaway na hindi agad nagsilikas, kaya ng mataas na ang tubig ayun sila pa ang naging problema sa mga isinagawang rescue.

Grabe na talaga ang mga pagbaha lalu na sa Metro Manila, oo nga’t gawa ito ng kalikasan pero may ilang factor na nagko-contribute sa matinding pagbaha.

Tulad na lang nang nakita na naman na sangkaterbang basura na naglutangan sa Manila Bay, ang mga basurang naglulutangan at bumabara sa mga estero at sa mga daluyang tubig.

May ilang lugar na dating hindi binabaha, ngayong konting ulan lang mataas na ang baha dahil nga wala nang madaluyan ang

tubig barado ng basura.

Hindi kasi natututo, marami pa rin ang pasaway.

Ang mga estero hindi regular na nalilinisan sa pagbuhos na ng ulan at bumaha saka sising alipin.

Sa pagkaalam ko maging ang paglilinis o pagsubaybay sa mga estero at tungkuling ng mga barangay na nakakasakop. May pananagutan at pwede ring kasuhan ang mga barangay officials na ang nasasakupan estero ay nagiging ilog na ng basura.

Kaya nga kapag hindi naitama ang ilan  sa mga nananatiling mali, pinangangambahan na darating na panahon baka tuluyan nang puro tubig na ang masumpungan sa mapa na Pinas.

Show comments