Kilikili, balak na ring lagyan ng ads ng isang kompanya sa Japan

KAHIT ang kilikili ngayon ay hindi na makakaligtas sa advertisements matapos arkilahin ng isang advertising agency sa Japan ang ilang modelo upang maging “walking ad spaces.”

Gusto ng Wakino Ad Company na mapakinabangan ang oras na ginugugol ng mga tao habang nakasakay sa tren kaya kumuha sila ng mga modelong may mga advertisement na nakatapal sa kanilang mga kilikili.

Kapansin-pansin ang mga advertisement lalo na’t nakataas ang braso ng mga modelo habang nakakapit sila sa hawakan ng tren.

Naniniwala ang kompanya na magiging epektibo ang kanilang naisip na pamamaraan sa pag-a-advertise kaya naman binabayaran nila ang kanilang mga modelo ng 10,000 yen (katumbas ng P4,743) kada oras.

May isa nang kompanya na kumuha sa serbisyo ng Wakino Ad Company. Sakto namang isang beauty clinic na eksperto sa pagpapakinis ng kilikili ang unang kliyente ng Wakino para sa kanilang bagong gimik.

Upang maparami pa ang kanilang mga naglalakad na ad spaces ay magdaraos ang Wakino ng isang contest upang mahanap nila ang mga indibidwal na may pinakamagagandang kilikili sa buong Japan.

Hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ng isang kompanya sa Japan ang bahagi ng katawan ng tao bilang espasyo para sa advertisements. Noong 2013, nasa 3,000 katao ang nagparehistro upang magamit ang kanilang mga hita at binti para sa pagpo-promote ng isang pelikula.

Show comments