Iwasan ang private videos

SA mga kababaihan, lalo na ‘yung mga OFWs na may karelasyon sa Pinas. Itong mga long distance relationship kung tawagin. Madalas kayo’y nalulungkot dahil magkalayo kayo sa isa’t isa. Dahil diyan, nagagawa ng isang indibidwal, kadalasan lalaki, na humingi ng mga pribadong litrato o video.

Ito ang aking payo. ‘Wag kayong pumayag, very private ang bagay na ito.

Kung minsan si lalaki, sabik na sabik at gustong may mangyari. Kung anong sabihin ni lalaki, napipilitan naman si babae.

Mga boss, naiintindihan natin ang dahilan kung bakit nagagawa ito ng mga kababaihan. Sabihin na nating okay ngayon ang relasyon, eventually baka maghiwalay kayo. ito namang loko-lokong sira ulong lalaki, ikakalat ‘yung video.

Marami nang nangyaring ganito. Dito nauuso ‘yung mga scandal. Tulad ng nagmamakaawa sa aming OFW. Sa madaling salita, pumayag siya sa kagustuhan ng lalaki.

Ang problema, kapag nangasim ang relasyon, ‘yung buwisit na demonyong lalaki, ikinakalat ang video ng kanyang kasintahan.

Nakipaghiwalay ang babae, ang ginagawa nitong lalaki, pinakita sa pamilya at kaanak mismo ng kawawang OFW. Gumawa pa ng fake account at doon inilabas ang lahat ng mga video.

Di mo malalaman kung galing sa tao o galing sa hayop itong lalaki. May nanay ba siya? May kapatid ba siya o pinsang babae?

Binastos mo na ‘yung tao. At dahil lamang sa galit, in-expose at pinahiya mo. May mga lalaking bastos talaga. Kaya pakiusap lang namin, iwasan n’yo ang paggawa ng private videos. Tanggihan ang kahilingan ng inyong mga boyfriend.

Maraming malalaking personahe ang nasira, ang iba ay hindi naman sinasadya. Nagtatago ng mga private videos and photos sa cell phone.

Kung minsan ay nawala ang cell phone o kaya pinaayos dahil sira, pagkatapos nakita, naloko na. Public service na rin ito sa mga nakararami.

May mga batas laban diyan, at handang tumulong ang ating mga kinauukulan. Protektado ng estado ang mga biktima. Pero aanhin mo pa kung ika’y napahiya na.

Kahit na lumuhod pa ang boyfriend ninyo, kung talagang mahal ka nila. Hindi ito ipagagawa sa inyo. Kung ang lalaki’y mapilit, iwanan n’yo na. Putok sa buho ‘yun! Kawawa lang kayo.

Show comments