Tuloy ang serbisyo publiko!

SA mga nagdaang araw, nanahimik lamang kami at nakinig sa mga lumalabas na balita at usap-usapan. Pero sa kabila ng matin-ding paninira at panggigiba, hindi patitibag ang buong puwersa ng BITAG!               

Kahapon, muli naming ipinalabas ang programang Kilos Pronto Online sa aming mga Facebook pages, website at YouTube Channel. ‘Di tulad dati,  mas pinalalim ang aming pag-iimbestiga at mas pinaigting namin ang aming serbisyo publiko.

Sa pagkakataong ito, ako mismo ang sumasala sa mga nagrereklamo. Isa-isa ko silang hinaharap at kinakausap upang mas maintindihan ko ang kanilang kuwento. Bawat sumbong at reklamo, may kaakibat na solusyon at aksyon ora-mismo.

Buena manong reklamo ang sa magkapatid na Aristeo at Amelyn Guarin. Lumapit si Aristeo sa Bitag Multimedia Action Center dahil sa pag-aalala sa kanyang kapatid na OFW sa Saudi Arabia.

Kuwento ng kapatid niyang si Amelyn, maka-ilang ulit na raw siyang pinagtangkaang gahasain ng manyakol niyang amo pero palagi siyang nanlalaban dito. Pero sa tuwing pumapalag ang OFW, palagi raw siyang sinasaktan ng Arabo.

Talagang putok sa buhong manyakol ‘tong mga arabo na ‘to. Hayok na hayok sa laman! Sarap pagpipitikin ng bombalyas sabay ipakain sa langgam.

Ang mas ikinabahala ni Aristeo ay ang mensaheng ipinadala ng kapatid na OFW. Sa tono raw kasi ng kanyang mensahe, ‘tila nagpapaalam na ito sa kanyang pamilya. Dahil dito agad siyang nagtungo sa tanggapan upang humingi ng saklolo.

Kilos pronto kaming nakipag-ugnayan kay Deputy Administrator Josefino Torres ng OWWA. Pangako niya, personal niyang hahawakan ang kasong ito upang matutukan at mapabilis ang pagpapauwi sa OFW.

Mabuti na lamang at nandiyan ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para tumugon sa mga sumbong at reklamo na inilalapit ng Kilos Pronto. Pero bukod dito, kinakailangan talagang maipatupad na ang kasunduan na inihanda ng ating pamahalaan para maproteksyunan ang ating mga kababayan.

‘Di lang ‘to sa Kuwait ha, kundi maging sa buong Middle East kung saan nandoon ang karamihan ng mga OFW.

May sumbong ka bang katiwalian, iligal, di-pangkaraniwan, kapabayaan, pang-aabuso, panloloko at kung ano pang katarantaduhan ‘yan? Ano pang ginagawa niyo, ipa-Kilos Pronto na ‘yan dahil tuloy-tuloy lang ang aming serbisyo publiko.

Magtungo lamang sa aming tanggapan sa Richwell Center, 102 Timog Avenue, Quezon City. Ako mismo, si BITAG ang makakausap n’yo.

Show comments