Ang Bully

(Last Part)

HINDI pa nauumpisahang dinggin ang kaso sa korte, may hindi inaasahang pangyayari ang naganap kay Dado. Ayon sa mga nakasaksi ay ganito raw ang nangyari:

Nagsa-sideline sa gabi bilang bouncer sa maliit na bar sa kanilang bayan si Dado. Nagkataong nakikipag-inuman doon ang dating nobyo ng anak. Habang nakatayo sa pintuan si Dado, naibulong ng isang waiter na may ikinukuwento ang lalaki tungkol sa kanyang anak. Ikinukuwento nito ang tungkol sa sex video na kalat na kalat na sa buong bayan. Sinasabi nito sa mga kainuman na “hayop sa kama” ang anak ni Dado. Nilapitan nito ang mga nag-iinuman. Huling-huli ng kanyang pandinig na binabanggit ng lalaki ang pangalan ng kanyang anak. Kaya’t ang planong pagkausap dito ay hindi nangyari, sa halip ay sinuntok nito ang bunganga ng lalaki. Sa sobrang lakas ay nalagas ang ngipin nito.

“Hayop ka! Daig mo pa ang baklang parrot na ngawa nang ngawa.”

Nagpasukan ang dalawang bodyguard ng lalaki na naghihintay sa labas ng bar nang marinig na may nanakit sa kanilang amo. Ang dating nobyo ng anak ni Dado ay anak ng mayamang konsehal sa kanilang bayan. Nang makita ng lalaki ang kanyang mga bodyguards, bigla nitong kinuha ang baril ng isa at ipinutok kay Dado. Tinamaan ito sa dibdib.

“Walanghiya ka!!!”

Pero maliksi si Dado kahit sugatan. Naagaw nito ang baril sa lalaki. Pinaputok niya ito at sapul sa ulo ang lalaki.

Nagtakbuhan ang mga tao palabas ng bar. Isinugod si Dado sa ospital ng mga kasama. Ang lalaki ay namatay kaagad. Nagkataong nasa probinsiya si William noon dahil pinaghahandaan niya ang unang hearing. Napasugod siya sa ospital. Naghihingalo si Dado. Humawak ito sa kamay ni William.

“Attorney, tinapos ko na. Wala na. Pinatay ko na ang nambaboy sa aking anak. Sa impiyerno na kami magkikita. Maraming salamat sa iyo at patawad. Sa mga kaklase natin na winalanghiya ko noon, pakisabi, patawad sa kanila. Masaya na rin ako. Naiganti ko ang aking anak.”

Show comments