Ang Bully (Unang bahagi)

MALAKAS ang tapik sa kanyang balikat. Kulang na lang ay batukan siya. Dama ni William na pabastos ang tapik. Ibang-iba sa “friendly” tapik na mahina at may respeto. May init na umakyat sa kanyang ulo. Nilingon niya ang tumapik sa kanya nang pabastos. Mukha ni Diosdado ang bumungad sa kanya. Si Dadong tarantado pala! Ang nam-bully sa kanya noong sila ay magkaklase sa grade 5.

“Walastik, William, sigang-siga na ang porma mo, ah! Ang laki na ng ipinagbago mo.”

Pinigil ni William ang sarili. Gusto niya sanang  isagot: Pero ikaw walang pagbabago, matandang walang pinagkatandaan.

Sa halip, ngumiti lang si William sabay biro, “Wala ka pa rin kupas classmate, mahilig ka pa rin mambatok.”

“Pero mahina na, hindi na kasinglakas noon…he he he”

Mabuti na lang at may tumawag sa kanya kaya may dahilan para talikuran kaagad niya si Dado.

Reunion ng Batch ’73 sa Pablo Esqueta Memorial Elementary School. Taon 2013. Naganap ang reunion sa malawak na bulwagan ng school. Nanariwa na naman kay William ang ginawang pambu-bully ni Dado sa kanya sa loob ng buong school year. Sa kilos ni Dado, mukhang tarantaduhin pa rin ito at mukhang proud pa sa mga kasamaang pinaggagagawa nito noon.

(Itutuloy)

Show comments