OFWs sa Kuwait, nabibingit!

DIPLOMASYA at hindi sobrang epal ang dapat na pinairal sa mga reklamo ng Pinoy workers sa Kuwait. Ang ginawang pagtakas ng ilang OFWs sa Kuwait na kinunan ng video at nai-post sa social media ang naging dahilan upang tuluyang magkalamat ang magandang relasyon ng Pilipinas sa Kuwait. 

Kung nag-isip lang sana na i-coordinate ng opisyal ng Philippine Embassy sa foreign diplomatic officials ng Kuwait at sa local police officials doon ang rescue operations sa ilang OFWs na minamaltrato ng kanilang employer sa Kuwait, hindi na sana lumala pa ng husto ang lahat. 

Malaking blunder ang nangyari kapwa kina Ambassador to Kuwait Renato Villa  at DFA Sec. Allan Peter Cayetano sa Kuwait, dahil imbes na daanin sa legal at maayos na pamamaraan ang rescue operations sa inaabusong OFWs ay naging kontrobersiyal pa ito at inilagay sa peligro ang mas nakararaming naghahanapbuhay sa Kuwait. Para ano nga naman at tinawag pa silang diplomat? Sa totoo lang!

Panagutin ang nag-post  sa social media

Hindi rin nag-isip ng mabuti ang nag-post ng video sa social media na malalagay sa bingit ng alanganin ang mga ginawang hirap ng ibang government officials tulad ni OWWA Dep. Administrator Arnel Ignacio na kailan lamang ay nakipag-ayos sa gobyerno ng Kuwait upang mabigyan ng karagdagang benepisyo ang OFWs doon.

Totoo man, na maraming OFWs ang nakakaranas ng kalupitan at pang-aabuso sa kanilang mga amo, pero mababang porsiyento ito kung ihahambing sa bilang ng mga Pinoy workers na may testimonya pa ng kabutihan at makataong pagtrato sa kanila ng kanilang mga amo sa Middle East, patunay na ang ibang umuuwi dahil sa katandaan na, ay naiiyak pa kung umuuwi sa ating bansa dahil sa lungkot na magkakahiwalay na sila ng kanilang mababait na amo. Ngayon, sinong dapat managot?

Isa lang si Digong, hindi kayang kopyahin

Kahit ang mga kaalyado na ni President Digong ay nagsasabi na rin na lumalampas na sa boundary ang kaangasan ng ilan nitong naitalagang opisyal ng gobyerno, na wari nila ay si Digong din sila. Totoong sila ang mga alter ego ng Presidente, pero iba si Digong sa inyo. Nag-iisa lang yan! Maliwanag ba?

Show comments