Inang oso, sinagupa ang tigre upang ipagtanggol ang anak

HINDI inasahan ng mga turista sa isang wildlife safari sa gitnang India na makakatagpo sila ng isang pambihirang tanawin sa kanilang paglilibot.

Nasaksihan kasi nila ang pakikipagsagupa ng isang black bear o itim na oso sa isang bengal tiger na nagtangkang lumapa sa kanyang anak.

Nagmistulang ringside seats ang puwesto ng mga turista habang pinapanood nila ang pagtutunggali ng dalawang hayop na tumagal ng 15 minuto.

Pinatulan ng inang oso ang tigre nang makita niya itong aaligid-aligid sa kanyang anak. Pambihira ang pagpapakita ng bangis ng oso dahil hindi naman kilala ang mga black bear sa pagiging agresibo.

Noong una ay tagilid ang oso sa laban bago nito nagawang makaalpas mula sa pagkakadagan ng tigre.

Upang magmukha siyang mas malaki at mas nakakatakot ay tumayo ang oso sa dalawa nitong mga paa bago niya muling sinugod ang tigre, na sa huli ay kinailangang umatras dahil sa mga sugat na kanyang natamo.

Bagama’t panalo ay malinaw na nasugatan din ang oso mula sa pakikipaglaban nito, ayon sa tour guide na kumuha ng video ng pangyayari.

Bagama’t minsan lang masaksihan ay malaki ang tsansa na magtagpo at magsagupa ang mga tigre at black bears sa India.

Matatagpuan kasi sa India ang kalahati ng kabuuang populasyon ng mga tigre sa buong mundo samantalang hanggang ngayon marami pa ring black bears sa India sa kabila ng pangangaso sa kanila ng poachers.

Show comments