Isla Paraiso (77)

INALIS ni Lolo Kandoy ang mga ahas sa kulungan ni Bart. Nagtapat na ito ng mga nalalaman sa itatayong minahan sa Isla at ang balak sa mga residente.

“Tuluy na tuloy ang balak na pagmimina rito. Walang makakapigil dahil maimpluwensiya ang dayuhang may-ari ng minahan. Ang backer niya ay ang governor at isang congressman. Malaki ang perang pinamumudmod ng dayuhan para makapag-operate ang minahan. Bilyong piso ang nakalaan sa mga magpoproyekta. Pati mga matataas na opisyal ng pulisya ay nababayaran.’’

Napailing-iling sina Alexis, Lolo Kandoy at Benhur. Noon pa alam na nilang kasabwat ang corrupt na governor at congressman. Noon pa nababalita ang kadupangan sa pera ng dalawang pulitika. Kahit mamatay ang mga tao at masira ang Isla, wala silang pakialam basta malaki ang kapalit na pera.

Nagpatuloy si Bart. Shock ang tatlo sa nalaman.

‘‘Balak ng may-ari ng minahan na ubusin ang tao rito sa Isla. Walang ititira. Lahat daw nang may hini­nga ay aalisin.’’

“Demonyo yata ang may-ari ng minahan na ‘yan,” sabi ni Benhur.

“Oo nga!” sabi ni Alexis. “Gaano karami ang mamamatay dito kapag ginawa iyon.’’

‘‘Chemical ang ilalagay dito -- sarin daw ang pangalan. Singaw lang daw ng sarin ay ubos agad ang mga tao pati hayop,’’ sabi ni Bart.

“Demonyo talaga. Kailangan pala, unahin ang may-ari ng minahan.’’

“Mahirap mapatay yun! Maraming tauhan!’’

Gigil na gigil si Benhur. Gusto niya siya ang papatay sa demonyo.

(Itutuloy)

Show comments