Ugali ang dapat baguhin
SABI ng gobyerno, mahigpit na ipatutupad simula sa susunod na taon ang Jeepney Modernization Program, kung saan ang mga jeep na ang edad ay mahigit sa 15 taon ay papalitan ng mga e-jeepney na bawat unit ay magkakahalaga ng higit sa P1-milyon. Mahigpit itong tinututulan ng ilang grupo ng jeepney drivers at operators sa paniniwalang ito’y isang phase-out program.
Narito ang karaniwang larawan ng jeep na tumatakbo sa mga kalsada: sira-sira at kalawangin na ang kaha; nagbubuga ng makapal na usok ang karag-karag na makina; butas-butas ang upuan; tanggal na ang mga hawakan; ang takip na lona ay nanggigitata sa dumi; marumi at amoy sigarilyo. Ang ipapalit ay e-jeepney na Euro 4 compliant dahil walang usok; may closed-circuit television cameras, GPS navigation system, automatic fare collection system, dash cameras at wifi. Wow, moderno nga!
Modernization nga ba o phase-out program? Anuman ang tawagin dito, ako’y naniniwala na bago pa baguhin ang mga jeepney units, may unang dapat mabago—ang ugali sa pagmamaneho ng tinatayang 650,000 jeepney drivers sa buong Pilipinas. Totoong may matitino at mararangal sa mga ito, pero totoo rin naman na napakarami ang hindi.
Sa maraming jeepney drivers, ang pagsunod sa traffic light ay tila suggestion lamang na susundin kung may nakabantay na traffic enforcer. Pero kung wala, kahit red light na, hindi hihinto, tuloy ang ligaya. Kung saan may nakapaskil na “No Loading, No Unloading,” doon mismo nagbababa at nagsasakay. ‘Yung iba, kung magpatugtog ng stereo daig mo pa ang nasa videoke bar. ‘Yung iba, lahat ng kanto hinihintuan, walang pakialam mamatay man sa inis ang mga pasahero. Kapag may nagreklamo, iisa ang katwiran, “magtaksi ka.” ‘Yung iba, hindi pa man maayos na nakakaupo ang bagong sakay na pasahero, hinaharurot na ang sasakyan. Harurot, kaskasero — ‘yan ang description sa driving style ng karaniwang jeepney driver, singit dito, singit doon. Busina rito, busina roon. Bullying sa kalye ang ibang tawag d’yan. Sakaling ang sasakyan mo ay mabangga o magasgasan, ang sagot lang ay kamot ng ulo. In short, walang elemento ng serbisyo publiko, na maibigay ang pinakamabuti at pinakaligtas na serbisyo sa mga pasahero. Boundary lang ang mahalaga, wala nang iba.
Kahit gawin pang moderno ang jeepneys, kung hindi magbabago ang ugali ng jeepney drivers at operators, walang magiging pagbabago sa buhay-kalsada dito sa ating bansa. Kaya ang unang kailangan sa ating public transport system ay hindi modernization, kundi re-orientation of values. Ang pagbabago ng values ay nagsisimula sa pagbabago ng takbo ng isip. Ito ang tunay na pagbabago na magbubunga ng marami pang magandang pagbabago. Ganito ang wika sa Roma 12:1, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.”
Bagong isip, bagong ugali. Ito ang dapat mauna. At sabi nga ng Bibliya, kapag nangyari ito, magagawa ng sinuman ang lahat ng mabuti na makapagbibigay-lugod sa Diyos. Kapag ang Diyos ang nalugod, hingin mo na ang gusto mong hingin!
- Latest















