‘Para sa manpower at recruitment agencies, basahin n’yo `to!’

Maraming recruitment at manpower agencies sa Pilipinas na matapos asistehan ang mga aplikante na makaalis ng bansa ay wala nang pakialam sa kapakanan ng mga manggagawa.

Kalimitang nangyayari ang ganitong eksena sa mga nagtatrabahong domestic helper o household workers sa mga bansa sa Middle East.

Tandaan, lehitimo at lisensiyado ang mga ahensiyang ito na magdispatsa ng manggagawa sa ibang bansa subalit ang gawain ay masahol pa sa mga dorobo sa lansangan.

Mantakin mong pagkatapos makubra ang bayad mula sa mga pobreng aplikante o sa employer ay pabaya na ang mga putok sa buho.

Kadalasan kasi, ‘yung mga kababayan nating nakakaranas ng pang-aabuso at pananakit partikular sa mga Arabong amo, ipinagwawalambahala o sadyang hindi na binibigyan ng atensiyon.

Andiyan ‘yung alibi na iniimbestigahan kung totoo, vine-verify kung nananakit nga ang amo, hindi pa sumasagot ang counterpart na Foreign Recruitment Agency (FRA) sa bansang pinagtatrabahuan.

Mga anak ng kamote, are you kidding me? Sinong hindi kukulo ang dugo sa pinaggagagawa ng mga ito, mga walang puso at kaluluwa.

Natitiis n’yo ang kapwa Pilipino na makailang beses nang umiiyak, nanghihingi ng saklolo, paba-lik-balik sa inyong tanggapan ang mga kamag-anak para sabihing paalisin na sila sa kanilang mga amo?

Anong sabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), you don’t have to justify or verify anything. Kapag sumobra na sa isa ang report ng pananakit, huwag n’yo ng hintaying makatatlo pa.

Sa unang sumbong pa lamang, kumilos na raw kayo. Ang responsibilidad n’yo bilang mga recruitment agency dito sa Pinas ay agad makipag-ugnayan sa inyong FRA upang agad silipin ang kondisyon ng ating kababayan.

Sabi nga ni Ms. Josephine Tobia ng OWWA, you have to get the worker from the employer immediately to avoid further damage.

Sa OWWA mismo nanggaling ha, negligence `yan at malinaw ang kapabayaan sa parte ng mga recruitment agencies.

Ika nga ni Tol Erwin, habang kumpleto pa ang mga parte ng katawan, habang nakakaiyak at nakakapagsalita pa, i-rescue n’yo na. Huwag n’yo nang pauwiing malamig na bangkay sa mga kaanak.

Sa patuloy na pagdami ng mga #sumbongOfw sa panahon ngayon, magtulungan tayo.

Madaming masasagip na buhay kapag pinagsama-sama ang effort ng gobyerno, kooperasyon ng mga recruitment agencies at responsableng pamamahayag naming mga nasa media.

Oh naintindihan n’yo kayong mga nasa negosyo ng recruitment? Kilos pronto!

Show comments