‘Oplan Semana Santa, kasado Na!’

GANAP nang nagsimula ang isa sa pinakamahalagang okasyon na ginugunita ng mga Katoliko sa buong mundo, ang Semana Santa.

Sa Pilipinas, kaakibat na rin ng tradisyon, hindi na magkamayaw ang mga Pinoy sa paghahanda pauwi sa kani-kanilang probinsiya maging ‘yung mga magge-get away for vacation.

Tulad ng inaasahan, dagsaan na ang mga pasaherong nasa terminal ng bus maging mga port at airport.

Naging pro-active na ang gobyerno dahil bago pa man pumasok ang Semana Santa ay naikasa na ang Oplan Ligtas Biyahe at Oplan Semana Santa.

Iba’t bang ahensiya ang nagtulungan sa proyektong ito upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero gayundin ang maayos na daloy ng trapiko.

Magsasagawa ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Land Transportation Office (LTO), sa pakikipagtulungan ng bus operators at iba’t ibang transport groups ng inspeksiyon sa kondisyon ng mga pampublikong sasakyan.

Matyagan ang mga nakakalat na action at operation centers ng Department of Transportation (DOTr) na nakaantabay para magbigay ng buong araw na serbisyo sa mga motorist.

Nagpakalat na rin ng karagdagang tauhan ang Toll Regulatory Board para maiwasan ang jam-packed na pila sa mga toll gate.

Asahan ang 2,500 traffic enforcers na nakakalat at tututok sa mga pangunahing daanan palabas ng Metro Manila tulad ng Alabang Sucat, Pasay-Taft, Edsa-Tramo, Shaw Boulevard, EDSA- Cubao at Balintawak.

Mas makabubuting gumamit ng mga alternate routes gaya ng C.P. Garcia para sa mga papuntang Norte, Bicutan Interchange at C-6 Road sa mga biyaheng Rizal at South Superhighway o Santa Rosa Exit patungong Tagaytay at Cavite, para makaiwas sa dagsa ng mga sasakyan.

Kudos sa mga kababayan nating magsasagawa ng serbisyo publiko ngayong Semana Santa!

Isang pagpupugay sa pagtupad ng inyong mga tungkulin para sa kapakanan ng mga Pilipino kahit kapalit pa nito ay oras at panahon para sa sarili niyong pamilya. Mabuhay kayo!

Show comments