Contest para sa pinakamabahong sapatos, ginanap sa US

PITONG contestants na nagmula sa iba’t ibang panig ng United States ang lumahok sa 42nd National Rotten Sneaker Contest sa New York City nito lamang Martes.

Ang contest ay para sa mga may mababahong sapatos at ang may-ari ng mapipiling pinakamabaho ang mananalo.

Si Connor Slocombe, 12,  ang napiling manalo dahil sa napakabaho niyang sapatos. Ito ang una niyang panalo matapos sumali ng ilang beses nitong mga nakaraang taon.

Nanalo si Slocombe matapos kilabutan ang apat na judges sa baho ng kanyang sapatos.

Isa ang chemical specialist sa NASA na si George Aldrich sa mga tumayong hurado sa patimpalak at ayon sa kanya ay hinahanap niya sa mapipiling sapatos ang masangsang na amoy na magpapaluha at magpapaduwal sa sinumang makakalanghap nito.

Lahat daw ng ito ay natagpuan niya sa sapatos ni Slocombe.

Ibinunyag naman ni Slocombe kung paanong naging sobrang baho ng kanyang sapatos.

Inilakad daw niya ito sa mga dumi ng hayop nang magpunta sa bukid ng kanyang tiyahin at itinapak din daw niya ito sa lamanloob ng mga isda nang minsan siyang mamingwit kasama ang kanyang pamilya.

Nanalo si Slocombe ng $2,500 (katumbas ng higit P125,000) at ilang Broadway tickets.

Ilalagay rin ang pangalan niya sa Hall of Fumes na ginawa bilang pagkilala sa mga may-ari ng may pinakamababahong sapatos sa buong mundo.

 

Show comments