Fire Prevention Month

NGAYONG Marso ang idineklarang Fire Prevention Month na naglalayong paigtingin ang information campaign ng gobyerno sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa aking pananaw, hindi naman nagkukulang ang gobyerno sa pagbibigay ng paalala sa publiko para sa pag-iingat sa sunog na maaring kumitil ng buhay at sumira ng mga mahahalagang ari-arian.

Pero bakit paulit-ulit na nangyayari ang mga sunog at kadalasan na biktima ay ang kababayan natin na informal settlers o yung naninirahan sa mga lugar na sobrang dami ang populasyon at dikit-dikit ang bahay.

Nakakuwentuhan ko si Chief Inspector Ian Manalo, spokesman ng BFP at sinabi niya na totoong alam naman ng lahat ang mga dapat gawin upang makaiwas sa sunog pero hindi nila ito nagagawa ng aktuwal.

Ang eksena, karamihan sa mga bahay ay nasa maliiit na eskinita na maraming nakahambalang na lubhang delikado kapag may sunog kaya hindi makaresponde ang mga bumbero.

Ang mga kabahayan ay hindi sinusunod ang pagkakalagay ng mga kawad ng kuryente na mapanganib sa sunog dahil hindi nasubaybayan ng professional electrical engineer.

Mismong sa isang malaking supermarket ay hindi sinusunod ang kaligtasan sa sunog gaya nang naaktuhan ni Manalo na nakakandado ang fire exit na panganib para sa publiko.

Ayon nga mismo sa World Health Organization, maituturing na ring pandaigdigang usapin na ang pagkasunog na maraming namamatay.

Pero ang mas maraming biktima ayon sa WHO ay ang mga low income countries tulad ng Pilipinas.

Maraming kababayan na binabalewala ang panganib at mas nangingibabaw ay ang pagtitipid o ayaw gumastos sa pagsasaayos ng kanilang electrical system para mas ligtas sa posibleng sunog.

Dahil dito, makabubuting mag-ingat na lang ang lahat. Maging listo kapag naganap na ang hindi inaasahang sunog upang makaiwas sa mas malalang pinsala.

Show comments