$20 M natagpuan sa ilalim ng kama ng suspek sa pyramiding scam

HINDI makapaniwala ang mga awtoridad sa Massachusetts matapos nilang madiskubre ang milyong-milyong dolyar sa ilalim ng kama ng isang suspek sa pyramiding scam.

Humigit-kumulang 20 milyong dolyar ang kanilang nasamsam mula sa ilalim ng kama ng Brazilian national na si Cleber Rene Rizerio Rocha matapos nila itong manmanan at sundan sa tinutuluyan nitong apartment.

Pinasok nila ang pamamahay ni Rocha nang masaksihan nila ang pagtanggap nito ng pera mula sa isang witness sa isang pyramiding scam na matagal nang iniimbestigahan ng mga kinauukulan.

Pinaniniwalaang mula sa kompanyang nagngangalang Telexfree ang sandamakmak na pera, na nakuha nito sa pamamagitan ng malawakang panloloko sa mga naengganyo nitong mamuhunan.

Matagal nang naipasara ang kompanya at pinaniniwalaang nasa United States si Rocha upang mailipat ang salapi sa ibang bansa.

Nahaharap sa 20 taong pagkakulong sa US si Rocha na hindi pinayagang makapagpiyansa dahil malaki ang posibilidad ng pagtakas nito sa ibang bansa.

Show comments