Baraha, gamit sa China upang madakip ang wanted criminals

ISANG bagong gimik ang naisip ng mga pulis sa China na sa tingin nila ay makakatulong sa pagsugpo sa kriminalidad.

Namigay sila ng 15,000 pakete ng baraha sa mamamayan. Hindi pangkaraniwang playing cards ang ipinamigay ng mga pulis dahil sa halip na imahe ng king, queen, o jack ay pawang pagmumukha ng mga most wanted na criminal sa China ang nakalagay sa mga baraha.

Limang set ng baraha ang inimprenta at sa kabuuan ay nasa 248 na mukha ng mga tinutugis na kriminal ang inilagay sa mga baraha. Bukod sa larawan ay nakalagay rin ang numero ng kanilang national ID, ang kanilang dating address, at ang kanilang krimeng nagawa. Nasa likod din ng baraha ang numero ng mga teleponong maaring tawagan para sa sinumang may impormasyon sa ikadarakip ng mga kriminal.

May 2,000 yuan na naghihintay sa sinumang makakatulong sa pagkakaaresto ng mga kriminal na nakalarawan sa mga baraha.

Umaasa ang mga kinauukulan sa China na magiging pamilyar sa mga tao ang mukha ng mga kriminal na kanilang inilagay sa mga baraha at makakatulong ito sa kanilang agarang pagkakadakip.

Hindi ito ang unang beses na ginamit ang mga baraha sa pagdakip sa mga tinutugis na mga tao. Noong 2003 ay ginamit na rin ito ng US sa Iraq nang ilagay nila ang mukha ni Saddam at ng kanyang mga opisyal sa mga baraha na karaniwang nilalaro ng mga sundalong Amerikano na nakikipaglaban sa Iraq. Ginawa ito upang makilala ng mga sundalo ang kanilang mga tinutugis noong kasagsagan ng Iraq War.

Show comments