P-Noy may banat uli

Kahapon muling nagsalita ang Pangulong Noynoy Aquino, sa isinagawang graduation rites ng mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA).

Gaya nang inaasahan ng marami walang salitang ‘sorry’ na narinig dito, gayunman ang hiningi niya ay pang-unawa.

Ito na yata ang ikaapat na pagkakataon na nagsalita ang Pangulo na may kinalaman sa Mamasapano massacre.

Sa mga nauna niyang pahayag sa bayan, matinding batikos ang inabot ni P-Noy. Kahapon sa kabila na pang-unawa na kanyang hinihingi, may banat na naman ang Pangulo na inalmahan naman ng mga senador.

Inalmahan ng mga senador ang pahayag ni P-Noy na ibinatay umano sa espekulasyon ang nilalaman ng report ng Senado at maging PNP Board of Inquiry.

Hindi nga ba’t halos pareho rin ang naging resulta ng isinagawang imbestigasyon ng Senado at BOI kung saan umabot sa lebel ng Pangulo ang sinasabing pananagutan sa naganap na Mamasapano incident.

Kapwa nabanggit sa magkahiwalay na report na pinagkatiwalaan ng Pangulo ang isang suspendidong heneral sa katauhan ng nagbitiw na PNP chief Alan Purisima.

Ayon sa mga senador hindi makatuwiran na sabihin ni P-Noy na ibinatay ang report sa espekulasyon, kundi ito ay base sa nakalap na mga ebidensiya at testimonya ng mga naging resource person.

Ayon pa sa ilang senador, kahit na humihingi ng pang-unawa ang Pangulo, huli o atrasado na umano ito dahil halos dalawang buwan na ang nakalipas matapos ang naganap na insidente sa Mamasapano.

Mukhang hanggang sa ngayon, eh hindi pa rin humuhupa ang emosyon ng marami lalu na ng mga kaanak ng nasawing SAF 44, ito marahil ay dahil sa wala pa ring nakikitang napapanagot sa insidente.

Show comments