Pinakamabilis sumuntok: Lalaki, kayang magpakawala ng 13 suntok sa 1 segundo

SI Ian Bishop ay isang mixed martial arts expert at sinasabing siya ang may pinakamabilis na suntok sa mundo.

Kaya niyang sumuntok ng 13 beses sa loob lamang ng isang segundo. Hindi rin mga pangkaraniwang suntok ang mga ito dahil pawang power punches ang kanyang mga pinapakawalan. Sa sobrang bilis ng kanyang mga suntok ay siguradong hindi mo makikita ang mga ito kung ikaw ay kukurap.

Ipinamalas niya ang kanyang kakaibang kakayahan sa Academy of Hard Knocks sa Aldershot sa United Kingdom. Dito niya ipinakita kung paano sumuntok ng sobrang bilis na hindi na ito makikita ng kanyang kalaban. Sa bilis kasi ng suntok ni Bishop ay aninag na lamang ng kanyang mga kamao ang nakikita ng mga nanonood sa kanya.

Nag-ensayo rin siya kasama ang mga kabataan sa nasabing eskuwelahan na kumukupkop sa mga napariwarang mga kabataan. Hangang-hanga naman ang nangangasiwa ng eskuwelahan na si Sam Rowe sa mga ipinakita sa kanila ni Bishop na para sa kanya ay katulad ni Bruce Lee pagdating sa galing sa martial arts.

Siya ang humawak ng focus mitts na sinuntok ni Bishop ng 13 beses. Hindi lang daw mabilis ang mga suntok ni Bishop dahil akala niya ay matatanggal ang kanyang mga braso sa sobrang lakas ng mga ito.

Parte ang ginawang exhibition ni Bishop ng isang programa na naglalayong bigyan ng direksiyon ang buhay ng napapariwarang mga kabataan sa pamamagitan ng sports at iba pang gawain na nagtuturo ng disiplina.

Show comments