Manong Wen (92)

ISA-ISANG sinasala ng tingin ni Jo ang mga nag­lalabasang estudyante. Nakapuwesto siya sa bahaging makikita niya lahat ang mga estudyante. Hindi na siya kumukurap at baka makalampas si Princess sa paningin. Subalit wala si Princess sa mga lumalabas na estudyante. Hanggang sa mapansin niya na pakonti nang pakonti ang mga nagla-labasan. Kinabahan na si Jo. Baka nakalampas sa kanya kanina si Princess. Baka natakpan habang naglalakad at nakalampas. Hanggang sa tuluyang maubos na ang mga estudyanteng naglalabasan.

Mabilis na nagpasya si Jo. Lumabas na rin siya sa school. Nagmamadali. Baka nakalampas sa kanya si Princess at nakidnap na ng dalawang lalaki.

Nang makalabas siya, wala na rin ang dalawang lalaki sa lugar na kinatatayuan ng mga ito kanina. Hindi kaya kinidnap na nga si Princess?

Nagmamadaling tinungo ni Jo ang sakayan ng traysikel. Baka naroon si Princess.

Pero nang makarating sa sakayan ng traysikel, wala roon si Princess. Pawang traysikel ang naroon na naghihintay ng pasahero.

Sumakay siya sa traysikel at nagpahatid sa lugar nina Princess. Habang tumatakbo ang traysikel, pinagmamasdan niya ang dinadaanan at baka may nangyayaring hindi maganda – baka kasaluku-yang kinikidnap si Princess. Pero wala siyang nakita. Ni walang sasakyan o van gaya nang narinig niya sa dalawang lalaki kanina.

Nakarating siya sa lugar nina Princess. Hindi siya nagpahatid sa mismong bahay kundi sa malayo pa. Madilim na ang paligid. Nilakad niya ang patungo kina Princess.

Kailangang malaman niya kung narito na si Princess o may nangya-ring hindi maganda. Magmamatyag siya sa bahay nina Princess. Hindi siya aalis hangga’t hindi nakikitang ligtas si Princess at Precious.

(Itutuloy)

Show comments