Sampolan ang Torre de Manila!

MAY nangangamba na baka mahihirapan ng maipagiba ang kontrobersiyal na Torre de Manila, isang 46 palapag na condominium na pag-aari ng DMCI na natatanaw o nahahagip sa retrato kapag kinunan ang monumento ni Dr. Jose Rizal sa Luneta.

Batay sa imbestigasyon ng Senado, noong sa panahon ni Manila Mayor Alfredo Lim ang orihinal na permit ng DMCI ay pitong palapag lamang pero sa panahon ni Manila mayor Joseph Estrada ay biglang binago ang plano at naging 46 na palapag na.

Hindi maikakaila na nagkaroon ng milagro kung bakit binigyan ng permiso ng kasalukuhang administrasyon ang Torre de Manila. At kung anong klaseng milagro ang nangyaring ito sa Maynila at masyadong mababaw ang rason na ito raw ay para sa mga mahihirap dahil magbibigay ito ng trabaho.

Gaano ba karami ang mabibigyan ng trabaho at gaano naman katagal ito samantalang sisirain naman nito ang lugar ng ating pambansang bayani.

Kung sa Makati City ay iniimbestigahan ang umano’y overpriced na Makati parking building, imbestigahan din ang pagkakatayo ng Torre de Manila.

Sana naman ay magkaroon ng paborableng desisyon ang korte at ipagiba ang Torre de Manila upang magsilbing leksiyon sa DMCI at iba pang negosyante na huwag dadaanin sa milagro ang kanilang proyekto sa pamamagitan ng mga lokal na opisyal.

Hindi maiaalis na isipin na tila may kumita sa mga taga-city hall at umiral ang sistemang palakasan kung kaya pilit na binago ang plano ng Torre de Manila.

Kung ipagigiba ang Torre de Manila, magiging makasaysayan ito at babala sa lahat ng mga negosyante at mga opisyal ng gobyerno na dapat ay daanin sa tamang proseso ang lahat at huwag ipilit ang interes sa negosyo.

Show comments