Ice cream na nag-iiba-iba ang kulay habang kinakain, naimbento sa Spain

ISANG bagong klase ng ice cream na nag-iiba-iba ang kulay habang kinakain ang naimbento sa Spain.

Ang bagong tuklas na ice cream ay imbensyon ng 37-taong gulang na si Manuel Linares. Si Manuel ay dalubhasa sa physics na ngayon ay nagpopokus na sa pagiging isang chef.

Nagsimula ang lahat nang pagtawanan siya sa isang seminar tungkol sa pagluluto kung saan sinabi niya sa harap nang mara­ming tao na tutuklas siya ng isang ice cream na mag-iiba-iba ng kulay habang kinakain.  Sa halip na mapahiya, mas lalong nagpursige si Manuel na magawa ang pinaplano niyang ice cream.

Sa kasalukuyan, hindi pa maisapubliko ni Manuel ang mga sangkap ng kanyang kakaibang ice cream dahil hindi pa siya nakakakuha ng patent para sa mga ito. Gayunpaman, aminado siyang isang tagumpay ang kanyang pagkakatuklas nito dahil pinipilahan na ng mga mamimili ang kanyang ice cream na nag-iiba-iba ang kulay.

Dahil sa naging tagumpay ng kanyang ice cream sa kanyang lugar sa Barcelona, nagpaplano na si Manuel na magbukas ng ilan pang ice cream parlor sa ibang bansa.

Show comments